Ang Babae sa Silong (2)
Kuntento na si Dado sa ganoong buhay na walang responsibilidad. Masaya naman siya. Kung magkakaroon siya nang makakasama sa buhay, hindi niya alam. Basta ngayon, wala siyang problema habang namumuhay na mag-isa.
Mula Lunes hanggang Biyernes, babangon siya ng alas singko ng umaga. Magluluto ng almusal na karaniwang corned beef, itlog, tocino, sinangag at mainit na kape. Kapag nagsawa siya, tasty na ang palaman ay ham o kaya’y pandesal na binibili niya sa bakery sa tapat ng inuupahan. Kumpleto naman siya sa mga lulutuin dahil tuwing linggo ay naggu-grocery siya.
Pagkatapos magluto ng almusal ay maliligo na siya ng eksakto alas sais. Pagkatapos maligo ay saka lamang siya kakain ng almusal dakong 6:30. Pagkatapos kumain, huhugasan ang plato at iba pang ginamit at saka magto-toothbrush at mag-aahit.
Magbibihis na siya pagkatapos niyon at aalis nang eksakto alas siyete. Darating siya ng 7:30 sa opisina sa Port Area. Alas otso ang kanilang office time hanggang alas singko ng hapon. Ni minsan sa loob ng 15 taon niya sa company ay hindi pa siya na-late.
Sa tanghali, sa canteen ng kompanya siya nagtatanghalian. Malaki ang kanilang canteen at masasarap ang ulam.
Sa break time ng alas tres, kape ang inoorder niya at sandwich.
Pagsapit ng alas singko, eksakto rin ang pag-alis niya sa opisina. Kapag tinatamad siyang magluto ng hapunan, nagpapabalot siya sa canteen ng ulam at kanin. Kapag hindi siya pagod, nagluluto siya ng hapunan na kadalasang pritong porkchop o kaya’y adobong baboy at manok.
Ganun umiinog ang buhay niya araw-araw. At masaya nga siya. Hindi siya nagsasawa.
Ngayong hapon ay hindi siya nagpabalot ng ulam sa canteen dahil mayroon siyang marinated bangus. Ipiprito niya. Masarap na katambal ang atsarang papaya.
Nang pumasok siya sa apartment at aakyat na sa hagdan, nasulyapan niya ang silong. Natuloy kaya ang babae sa pag-upa? Kaninang umaga na papasok siya nag-uusap ang babae at ang landlady na si Manang Oya. Tiyak niyang nag-i-inquire ang babae.
Wala naman siyang makitang palatandaan kung natuloy sa pag-upa ang babae.
Sarado ang pinto ng kuwartong pinauupahan.
Umakyat na siya. (Itutuloy)
- Latest