Alupihan (221)
Adobong native na manok at pritong tilapya ang ulam. Nangingintab ang gata sa adobong manok. Umuusok ang bagong sandok na kanin. May fresh buko juice. Mayroon ding suman at sinukmani.
Iyon ang mga nakahain sa mesa.
“Maupo na kayo. Tamang-tama ang mainit na kanin sa ulam,’’ sabi ng nanay ni Hani.
Naupo sina Cris at Hani.
‘‘Puwede ba akong magkamay, Hani?’’ tanong ni Cris habang nakatingin kay Hani. Napatingin din siya sa nanay ni Hani at dalawang kapatid na babae.
“Oo naman.’’
Tumayo si Cris para maghugas ng kamay sa lababo.
‘‘Kumain po tayo. Sabay-sabay na tayo,’’ alok ni Cris sa nanay at sa dalawang kapatid ni Hani.
‘‘Nauna na kaming kumain. Kayo na nga lang ang hindi pa.’’
“Si Tatay po at yung bunsong lalaki?’’
“Nasa palayan pa sila. Mamaya pa uuwi dahil binabantayan ang hinog na palay na kinakain ng maya.’’
“Ah,’’ nasabi ni Cris at naupo na sa tabi ni Hani.
Iniabot ni Hani ang bandehado ng kanin kay Cris.
Sumandok siya ng kanin. Nagpasalamat siya kay Hani sa pagdudulot ng kanin.
“Ang bango ng kanin! At ang lambot!’’ sabi ni Cris.
‘‘Bagong ani yan!’’ sabi ng nanay.
Kumutsara ng adobong manok si Cris.
Sumubo.
“Ang sarap ng adobo! Marami akong makakakain nito, Hani.’’
“Sige lang, Kuya.’’
‘‘Ang sarap talaga. Ngayon lang ako nakakain ng ganito kasarap na adobo sa gata.’’
‘‘Specialty ni Nanay ang adobong manok sa gata, Kuya.’’
Napatingin ang nanay at dalawang kapatid kay Hani dahil sa pagtawag ng kuya. Dalawang beses na tinawag ni Hani na kuya si Cris.
“Ba’t kuya ang tawag mo kay Cris, Hani?’’ tanong ng nanay.
Bahagyang nagtawa si Hani.
“Nakasanayan nang tawagin siyang kuya, Nanay. Lahat nang boarders ay kuya ang tawag sa kanya.’’
“Ganun ba?’’
Nagsalita si Cris.
‘‘Pero kapag kasal na kami, hindi na niya ako tatawaging kuya. Magsanay ka na Hani.’’
‘‘Oo. Ngayon pa lang tatawagin na kitang Sweet Cris.’’
‘‘Ganyan nga, ha-ha-ha!’’ (Itutuloy)
- Latest