Damo sa Pilapil (57)
“ANONG sasabihin mo Zac?” tanong ni Mam Dulce.
Pero natakot si Zac. Dapat ba niyang sabihin iyon kay Mam? Hindi dapat malaman ni Mam.
“A e wala po Mam! Wala po!’’
“Baka nahihiya ka lang? Tungkol ba tuition fee mo? Tungkol sa libro?’’
“Hindi po. Wala po akong sasabihin Mam. Sorry po Mam.’’
“Sige, basta magsabi ka lang kung ano ang kailangan mo at ibibigay ko.’’
“Marami pong salamat Mam.’’
Lumabas na si Zac sa room ni Mam. Nagmamadali siyang nagtungo sa kanyang kuwarto at ipinagpatuloy ang pagtulog. Pero hindi na siya nakatulog dahil sa pag-iisip kay Mam Dulce. Kakahiya ang nangyari kanina na mayroon siyang sasabihin kay Mam Dulce pero binawi niya. Nagtaka tuloy si Mam sa kanyang inakto. Hindi sana siya gumawa ng ganoon. Hindi na kasi niya napigilan ang sarili at talagang gusto na sana niyang ipaalam kay Mam Dulce ang lahat. Pero natakot nga siya. Nabahag ang buntot niya. Hindi dapat. Maaaring magmukha siyang tanga.
NAGLILINIS sa bakuran si Zac isang umaga ng Linggo nang biglang may mag-door bell. Tiningnan niya. Si Bogs! Yung lalaking naghatid kay Mam Dulce noon. Hindi niya binuksan. Kailangang ipaalam muna niya kay Mam Dulce na may bisita siya.
Habang patungo sa room ni Mam Dulce ay nagtatanong si Zac sa sarili: Bakit narito ang Bogs na iyon. Baka manliligaw kay Mam?
Kinatok niya ang pinto ng kuwarto ni Mam.
“Sino yan?”’
“Si Zac po.’’
“Pasok, Zac.”
Pumasok si Zac.
“Mam may bisita ka, lalaki. Papasukin ko ba?’’
“Papasukin mo, si Bogs yan! (Itutuloy)
- Latest