^

True Confessions

Ang Magkapatid (104)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

SABAY na napatingin sina Ipe at Ada kay Karla nang mabanggit ang tungkol sa kanilang papa. Pagkaraan nang mara­ming taon, halos limot na nga nila na mayroon silang ama, eto ngayon at may binabanggit ang kanilang Tita Karla.

“Alam ko nagtataka kayo nagulat pero ha­yaan n’yo muna akong magkuwento,” sabi ni Karla sa marahang boses.

Ang magkapatid ay nananatiling nakatingin  kay Karla na naghihintay sa mga sasabihin tungkol sa kanilang ama.

“Natatatandaan n’yo pa ba ang lalaking laging nakasubaybay sa inyo noon sa palengke – yung laging nakasunod at ba­wat kilos n’yo ay mino-monitor?’’

Tumango ang dalawa.

“Pinsan pala siya ng inyong papa. Kaya siya nakasubaybay ay dahil pinakiusapan ng inyong papa na hanapin kayo. Kaya wala na siyang ginawa kundi ang sundan kayo.’’

“Para saan, Tita?’’ tanong ni Ipe na seryo­song-seryoso ang boses­. Si Ada ay nanatiling naka­tingin sa kanyang Ninang Karla.

“Gusto kayong makita ng inyong papa.’’

Huminga nang malalim si Ipe. Mukhang hindi gusto ang nangyayari.

“Pagkaraan nang mara­ming taon na pinabayaan kami, ngayon ay sasabihin niyang gusto kaming makita.’’

Napatanguy-tango si Ada bilang pagsang-ayon sa kanyang kuya.

“Alam ko galit kayo sa inyong papa. Maski ako galit din sa kanya pero nang makita ko siya, big­lang awa ang nadama ko at hindi galit. Malayung-malayo ang itsura niya noon na isang makisig na lalaki.’’

Nakatitig na naman ang magkapatid. Nagta­tanong ang mga mata.

“Malapit nang mamatay ang papa n’yo. May taning na dahil sa stage 4 colon cancer…’

Hindi inaalis ng mag­kapatid ang pagka­ka­ti­ngin kay Karla. Nag­hahanap pa ng karugtong na sasabihin.

“Hiling niya na makita kayo bago siya mamatay. Nararamdaman na umano niya ang unti-unting kamatayan. Sana raw, matupad ang kahilingan niya bago tuluyang ipikit ang mga mata.’’

(Itutuloy)

ANG MAGKAPATID

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with