Kastilaloy (38)
“BAKIT magiging delikado?’’ Nakasimangot na tanong ni Mama Julia kay Garet.
“Mama, maraming nangyayari ngayon na ang mismong driver ang nagsasamantala sa amo. Di ba kailan lang nabalita na isang among babae ang nakitang patay. Ginahasa ng kanyang driver. Pinagnakawan pa.’’
“E siguro hindi nila muna kinilala ang kinuhang driver. Baka hindi nila kinunan ng NBI o police clea-rance.’’
“Mama, natatakot ako sa balak mo. Bakit ba naisipan mo ito?’’
“Nahihirapan na nga akong mag-drive ‘no? Gusto ko nakaprente lang ng upo. Tsaka aanhin ko naman ang pera natin kung pati pagkuha ng driver ay hindi ko gagawin. Kahit nga dalawang driver ay kaya kong kumuha.’’
“Bakit ba kailangan mo pang mag-driver e hindi ka naman nag-oopisina. Wala ka namang business.’’
“Nahihirapan na nga ako ano? Bago ako makarating sa pupunta-han, lantang katuray na ako dahil sa stress sa pagda-drive.”
“Natatakot ako sa binabalak mo ‘Ma. Delikado talaga kapag may kasamang la-laki.’’
“Sino bang maysabi na kasama natin dito sa bahay ang driver? Pupunta nga lang siya rito kapag kailangan ko. Hindi siya titira rito. Walang ipinagkaiba sa naglilinis ng bahay, nagla-laba at namamalantsa ng ating damit. Kapag natapos ang trabaho, uuwi na. Anong delikado roon, aber?’’
“Mama, natatakot talaga ako.’’
“Bakit ka matatakot ay hindi nga rito titira?”
“Makinig ka naman ‘Ma.”
“Huwag mo nga akong pagsabihan!”
“Kasi’y hindi mo naiisip ang mangyayari.’’
Tumalikod ang kanyang mama.
Pero bago humakbang palayo ay nagsalita: “Basta kukuha ako ng driver, tapos!”
Naiwang nakanganga si Garet. Ibang-iba na ang mama niya. Ang anumang magustuhan o maisipan ay ginagawa. Hindi na iniisip na kapag may nangyari ay damay din siya. Parang wala na siyang halaga. Bakit ganito ang kanyang mama?
(Itutuloy)
- Latest