Kastilaloy (23)
IPINASYA ni Garet na hintayin ang pagdating ng kanyang mama. Baka na-trapik lang ito. Nahiga siya sa sopa at nagmuni-muni.
Mahigit isang taon na mula nang mamatay ang kanyang papa – atake sa puso. At siguro kaya la-ging gustong lumabas ng kanyang mama ay para malimutan ang biglaang pagkamatay ng kanyang papa. Wala naman kasing ibang pagkakaabalahan ang kanyang mama. Mula raw nang maging mag-asawa sila ng kanyang papa ay hindi na siya nagtrabaho. At okey naman daw sa papa niya ang ganoon. Bakit pa raw magtatrabaho ang kanyang mama ay sobra-sobra na ang kayamanan nila. Maraming pinamana si Lolo Fernando Polavieja na ama ng kanyang mama. Hindi kayang ubusin ang kayamanan ng mga Polavieja.
Kaya walang ginagawa ang kanyang mama kundi ang makipagsosyalan. Noong nabubuhay pa ang kanyang papa ay madalas magdaos ng party sa kanilang malaking bahay at ang mga bisita ay mga maykaya sa buhay. Ipinakikilala nga siya sa mga bisita. Pero naiilang siya sa ganoon. Palibhasa’y gusto niya ay simpleng buhay. Ayaw niya ng sosyalan. Kahit alam niyang marami silang pera, hindi siya pasosyal. Simple lang siya. Gusto nga siyang pag-aralin ng kanyang papa at mama sa mamahaling exclusive school pero mas pinili niyang kumuha ng entrance exam sa UP at nakapasa naman siya. Hindi malaki ang tuition. Ayaw nga niya sa mamaha-ling unibersidad.
Nakatapos siya ng Creative Writing. At sabi ng kanyang papa noong nabubuhay pa, hindi na raw niya kailangan pang magtrabaho dahil marami naman silang pera. Huwag na raw siyang mag-aplay kung saan-saan para lamang makapagtrabaho. Gawin na raw lang niyang libangan ang pagsusulat.
Pero gusto niyang makapagsulat para naman mapakinabangan ang kanyang talento. Kahit ba marami silang pera at hindi na kailangang makapagtrabaho, gusto niyang may patunayan sa sarili. Gusto niyang magsulat ng kakaibang buhay ng mga kakaibang tao.
Sabi ng kanyang papa noon, magtayo raw sila ng publication – weekly magazine o newspaper para mayroon siyang i-manage. Tumanggi siya. Mahirap makipagsapalaran sa ganoong negosyo. Sabi ng papa niya, okey lang daw kahit malugi. Mahaba naman ang pisi nila. Basta may manage siya at mapraktis ang pinag-aralan.
Ayaw talaga niya.
Hanggang mamatay ang papa niya
Ngayong sinasaliksik niya ang buhay ni Dionisio Polavieja alyas Kastilaloy, parang ito ang gusto niyang isulat. Parang kakaiba.
Hanggang maghikab siya nang maghikab. Inaantok na siya. Hindi na niya mahihintay ang kanyang mama. May susi naman ito.
Natulog na siya.
Dakong alas-dos ng madaling araw, nagising siya. Tiningnan ang kanyang mama sa kuwarto. Wala pa ito!
Kinabukasan, dakong alas otso, muli niyang sinilip sa kuwarto nito.
Naroon na, tulog na tulog! (Itutuloy)
- Latest