Sinsilyo (109)
PERO nagpigil pa rin si Gaude. Kaya pa niyang tiisin ang mga ginagawang panglalait sa kanya ng matanda. At naisip niya, kung isumbong niya ngayon si Kastilaloy kay Tito Mau sa ginagawa nitong paninilip kay Lyka, paniwalaan kaya siya. Parang wrong timing ang gagawin niyang pagsusumbong. Saka na lang. Maghihintay siya ng tamang pagkakataon.
“Saan mo nadale ang daga, Tata Dune?’’ tanong ni Mau na parang hangang-hanga sa matanda.
‘‘Diyan lang sa may pinto ng kusina. Galing sa loob ng bahay. Pinalo ko! Patay! Kahit ganito akong 70 anyos na, malakas pa ako! Kaya ko pang pumatay kahit ilang daga!’’
“Seventy ka na Tata? Parang sixty ka lang, he-he-he!’’ sabi ni Lyka.
‘‘Salamat, Lyka. Talagang bata pa akong tingnan?’’
‘‘Oo Tata. Parang kaya mo pang magpaibig ng bagets, he-he!’’
Nagtawa nang nagtawa si Kastilaloy. Nakitawa rin si Mau.
‘‘Bakit kaya nakapasok sa banyo ang daga, Tata?’’ tanong ni Mau.
“E siguro hindi naglilinis ng kusina itong si Gaude. Basta may naamoy na pagkain ang daga, papasok sa loob.’’
“Naglilinis po ako,’’ medyo mataas ang boses ni Gaude.
‘‘Sige, sige, basta lagi na lang isara ang pinto,’’ sabi ni Mau.
‘‘Sige Tata, salamat at napatay mo itong daga.’’
“Sige po Tata. Salamat,’’ sabi ni Lyka.
Lumayo na ang dalawa. Pumasok na sila sa kusina.
Umalis na rin si Gaude. Ayaw niyang makasagutan si Kastilaloy. Baka hindi na siya makapagpigil ngayon. Nang pumasok sa kusina ay ibinagsak niya ang pinto para ipaa-lam kay Kastilaloy na galit siya.
ISANG umagang naglilinis sa sala si Gaude ay nakita niyang paalis si Tito Mau. May dalang bag. Nagpaalam sa kanya.
‘‘Aalis ako Gaude. Bahala na muna kayo ni Lyka rito.’’
‘‘Opo.’’
Nakita niya si Lyka sa may pinto ng kuwarto. Nakangiti. Bakit kaya hindi kasama si Lyka? Saan kaya pupunta si Tito Mau?
(Itutuloy)
- Latest