^

True Confessions

Sinsilyo (105)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

TIYAK nadiskubre na ni Tita Lyka ang gina­gawang paninilip ni Lolo Dune Kastilaloy! Iyon ang hula ni Gaude. Napasigaw si Tita Lyka nang makita ang butas sa dingding ng banyo. Na-shock siguro nang ma­kita na may mga matang nakasilip kaya dalawang beses­ sumigaw. Hindi inaasahan na mayroong maninilip sa kanya.

Muli pang sumigaw si Tita Lyka at sa pagkaka­taong iyon ay mabilis na lumabas sa kanyang kuwarto si Tito Mau. Narinig ang pagsigaw ni Tita Lyka.

“Anong nangyari kay Lyka, Gaude?”

“Hindi ko po alam, Tito Mau!”

Mabilis na tinungo ni Mau ang banyo. Naiwan si Gaude na nakatulala at kinakabahan. Tiyak na madidiskubre na ang ginagawa ni Lolo Kastilaloy na paninilip. Tiyak na malaking problema ang hinaharap ni Kastilaloy. Hindi maaaring palampasin ni Tito Mau ang pangyayari. Sangkot na ang kanyang “asawang” si Tita Lyka.

Narinig ni Gaude ang pagtawag ni Tito Mau kay Lyka na noon ay nasa banyo­ pa at nakasarado ang pinto.

“Lyka! Lyka! Buksan mo ang pinto! Anong nangyayari sa’yo?’’

Ilang saglit pa at binuksan ni Lyka ang pinto. Nakatapi na ito ng tuwalya. Takot na takot ito. Putlang-putla!

“Bakit Lyka? Anong nangyari?”

“May daga, Mau! Ang laki ng daga!”

Daga pala! Nakahinga nang maluwag si Gaude. Hindi pala ang pamboboso ni Kastilaloy ang dahilan ng pagsigaw.

“Nasaan? Nasaan ang daga?”

“Nasa ilalim ng tangke ng inidoro. Doon tumakbo! Ang laki Mau! Parang pusa na sa laki!”

Pumasok si Mau sa banyo. Sinilip ang tangke na umano’y pinuntahan ng daga. Wala naman siyang nakita. Sinubukan niyang katukin ang tangke at baka nasa loob. Pero wala siyang nakita.

“Wala rito, Lyka.”

“Nandiyan yan, Mau. Patayin mo! Patayin mo!”

“Wala nga e. Baka naman nakalabas na nang magsisigaw ka?”

“Hindi! Nandiyan ‘yan. Patayin mo!”

“Wala nga akong makita. Baka nasa loob mismo ng tangke. Baka may butas ang tangke.’’

“Hindi ako makakagamit ng banyo hangga’t hindi napapatay ang daga.’’

“Sige, sige, papatayin namin ni Gaude.’’

Tinawag ni Mau si Gaude.

Lumapit si Gaude.

“Gaude, may daga raw dito. Paano nakapasok ang daga rito e di ba lagi namang nakasara ang pinto ng banyo.’’

“Baka po may butas sa pader. Baka rin po galing sa kisame. Kasi po kahit maliit na butas ay nagkakasya ang daga. Napapaliit po kasi ang katawan nito.’’

“Hanapin mo at patayin ang daga na iyon. Huwag kang titigil hangga’t hindi nahuhuli ang daga.’’

“Opo.”

“Buksan mo ang tangke at baka  nasa loob.’’

“Opo.’’

Niyaya naman ni Mau si Lyka patungo sa kanilang kuwarto. Namumutla pa si Lyka dahil siguro sa pagka­takot sa daga.

Hanggang sa makapasok na ang mga ito sa kuwarto.

Naiwan si Gaude sa banyo. Nag-iisip kung pa­ano mahuhuli o mapapatay ang daga. Parang hindi siya makapaniwala na may makakapasok na daga rito sa banyo. Laging nakasara ang pinto ng banyo.

Ilang beses ininspek­siyon ni Gaude ang loob ng banyo. Wala namang butas­ sa pader. Hindi naman maaaring magkasya ang daga sa butas na ginawa ni Kastilaloy dahil kasinglaki lang ng holen iyon o mas maliit pa.

Wala rin namang butas sa kisame. Saan kaya nagdaan ang daga? Baka naman umaarte lang si Tita Lyka? Pero bakit?

Pero kailangang hanapin niya ang daga. Kailangang mapatay niya.

Bubuksan niya ang tangke ng inidoro. Baka nasa loob ang walang­hiyang daga.

(Itutuloy)

BANYO

DAGA

GAUDE

LYKA

MAU

SHY

TITA LYKA

WALA

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with