Sinsilyo (85)
“PAPASUKIN mo ako! Titingnan ko ang mga barya!” sabi ni Lolo Dune na halos lumabas na ang litid sa leeg.
“Lolo, sabi po ni Tito Mau bawal pumasok dito. Iyon po ang utos niya. Pasensiya na po Lolo.”
Pero matigas ang matanda. Gustong mangyari ang nais niya.
“Paraanin mo nga ako, leche! Gusto kong makita ang mga barya.’’
“Lolo, hindi po puwede,’’ iniharang ni Gaude ang katawan sa pinto para hindi makapasok ang matanda.
Pero itinulak siya ng matanda. Malakas pa ang matanda at muntik na siyang matumba. Nakahawak siya sa pintuan at balak niyang isara para hindi na makapasok ang sutil na matanda.
“Paraanin mo akooo, leche kaaa!”
Sa aktong iyon biglang dumating si Lolo Kandoy. Nakita nito ang ginagawang pagtulak ni Kastilaloy kay Gaude.
“Hoy anong ginagawa mo kay Gaude?”
Nagulat si Kastilaloy sa pagsasalita ni Lolo Kandoy. Napaatras ito at napatingin kay Lolo Kandoy.
“Huwag kang makialam dito, tonto!”
“Tonto pala, ha? Um!”
Isang suntok sa katawan ni Kastilaloy ang pinakawalan ni Lolo Kandoy. Napa-“aray” si Kastilaloy.
“Hayup ka!”
Umastang lalaban si Kastilaloy. Pero bago nakaganti, muli siyang sinuntok ni Lolo Kandoy. Sapol sa ulo!
(Itutuloy)
- Latest