Alakdan(265)
“NANG hindi na matiis ni Kreamy ang nakikitang pagtataksil ng kanyang “mama”, napagpasyahan na niyang isumbong ito sa kanyang papa.
“Nang umuwi raw ang kanyang papa mula Sau-di ay ipinagtapat na niya rito ang lahat. Lahat nang naoobserbahan niya ay sinabi sa kanyang papa. Nakatingin lamang daw ang kanyang papa sa kanya makaraang sabihin ang pagtataksil. Awang-awa raw siya sa kanyang papa. Tumulo raw ang luha niya. Sana hindi na niya sinabi rito dahil tingin niya, biglang nagkaroon nang ma-laking pasanin ang kanyang papa.
“Pero mas nagulat siya sa sinabi ng kanyang papa. Alam na pala nito ang ginagawang pagtataksil ng asawa. Noon pa raw ay nahuli na niya ito na nakikipagtalik sa lalaking nakatira sa tapat ng bahay. Hindi raw nakapagsalita si Kreamy sa sinabi ng ama. Mas nauna pa pala itong malaman ang lihim ng “mama” niya.
“Mula raw noon ay tila nanghina na ang kanyang papa. Hanggang sa biglang umuwi at tinapos na raw ang kontrata. Natuklasan na may sakit pala sa puso. Ilang ugat sa puso ang barado. Kaya raw nang umuwi ito ay maputlang-maputla at nanghihina.
“Hanggang sa laging isinusugod sa ospital. Pa-balik-balik daw sa ospital, ayon kay Kreamy.”
“Totoo po yun, Mam Siony. Ako nga po ang tumulong para madala sa ospital. Yung unang sinugod akala ko e hindi na makakaligtas si Mang Dolfo. Iyak nang iyak si Kreamy samantalang si Mayette o ang “mama” niya ay walang reaksiyon. Parang gusto na yatang mamatay si Mang Dolfo.”
“Iyon nga ang kuwento ni Kreamy sa akin.”
“Yung huling pagdadala namin sa kanya sa ospital, yun na pala ang last. Namatay siya.’’
“Pero bago siya namatay, naipagtapat daw ang lahat kay Kreamy. Sinabi ang lihim na hindi siya anak ng “mama” niya. Anak siya sa isang DH.”
(Itutuloy)
- Latest