PATULOY na kinausap ni Troy ang pinsang si Maricel. Nangingilid ang luha ni Troy. Nakatingin lamang si Mayette na tila nahu-hulaan na ang nangyari.
“Kumusta naman si Inay, Maricel?’’
“Kuya Troy, mabuti pa umuwi ka,” sabi ni Maricel na patuloy sa pag-iyak.
“Anong lagay ni Inay, Maricel?”
“Kuya masama. Nag-aagaw-buhay si Tiya Julia. Hindi niya natanggap ang pagkamatay ni Tiyo Juanito. Pero pinipilit siyang irevive ng mga doctor. Nasa emergency room si Tiya.’’
Hindi makapagsalita si Troy. Shock siya sa nalaman. Akala niya, ang Itay lang niya, pati pala Inay niya ay namamaalam na. Ano itong nangyari sa kanya at sabay pa yatang iiwan siya ng Itay at Inay niya?
“Umuwi ka ngayon din Kuya. Hindi ko alam ang gagawin. Litung-lito na ako Kuya.’’
“Oo, Maricel.’’
“Hindi pa nadadala sa morgue si Tiyo Juanito, Kuya Troy. Kung mayroon daw kausap na punerarya ay mas mabuti para hindi na dalhin dun. Pero hindi ako makapagpasya Kuya. Ikaw ang kailangang magpasya.’’
“Uuwi na ako, Maricel. Sige. Salamat…”
Pinatay niya ang cell phone. Pakiramdam ni Troy mabigat ang ulo niya dahil sa napakara-ming dalahin. Maski siya ay hindi alam ang mga gagawin.
“Anong nangyari, Troy?” Tanong ni Mayette.
Lumuha na si Troy.
“Patay na si Itay at si Inay naman naghihingalo. Baka… baka wala na nga…’’
Awang-awa si Mayette kay Troy.
“Relaks lang Troy. Huwag kang masiraan ng loob. Narito naman ako para tumulong.’’
“Uuwi ako, Mayette.’’
“Eto ang pera. Sa iyo na ito. Mag-text ka lang sa akin kung gaano pa ang kailangan mo. Etong number ko, Troy.’’
(Itutuloy)