May Isang Pangit(56)

“AKO nga ang kina­ka­wayan ng babae. Si Alice na nga! Ang ganda pala niya. Nakadama na naman ako ng pagkaawa. Parang hindi talaga bagay ang katulad kong pa... oops, ayaw ni Alice ng ganyan. Huwag na huwag kong pipintasan ang sarili.  

“Kinawayan ko si Alice. Talagang maganda siya. Yung mga pinadala niyang picture ay malayung-malayo. Baka noon pa kuha.

“Narinig ko ang pag­ tawag niya sa akin ng “Tibur”. Si Alice na nga ito. Ang nag-iisa kong Alice. Palapit na siya.

“Nang may ilang hakbang na ang layo niya ay ako na ang nagkukumahog na lumapit. Wala na akong nadamang hiya o kaba o kahit ano pa. Basta ang alam ko ng mga sandaling iyon ay ang labis na pagkasabik ko kay Alice. Mahigpit ko siyang niyakap. Ipina-dama ko ang init ng aking pagkasabik sa kanya. Wala na sigurong liligaya pa sa akin sa mga sandaling iyon. At wala na rin akong pakialam kahit maraming tao sa paligid at nakikita ang aking pagyakap na parang eksena sa isang pelikulang ang tema ay love story.

‘‘Si Alice man ay walang pakialam at ginanti ang yakap ko. Mainit na mainit din ang yakap niya. Sabik na sabik akong makita.

“Siguro’y isang minu­to rin ang aming yakapan. At nang maghiwalay ay saka kami nagkatawanan.

‘‘Iyon na ang simula nang aming masayang pagsasama ni Alice. Hindi ko malilimutan ang naging takbo ng aming pag-uusap ng araw na iyon na itinuring kong pinaka-masuwerte kong araw. Habang nag­lalakad kami patu­ngo sa kanyang sasakyan, ay tila nakatapak ako   sa ulap. Korni no?

“Ang ganda mo pala, Alice.’’

‘‘E guwapo ka rin naman ah.’’

‘‘Salamat.’’

“Alam mo kaninang naghihintay ako sa iyo, Tibur, kinakabahan ako. Hindi ko alam kung bakit.’’

“Parehas tayo Alice. Kanina sa eroplano, hindi ako makatulog dahil iniisip ko ang mga sasabihin ko sa’yo. Yun pala walang mama-magitang pag-uusap sa atin kundi magya-yakapan lang..’’

‘‘Oo nga ano? Natangay tayo dahil sa pagkasabik sa isa’t isa.

Narating namin ang sasakyan ni Alice. Isang pulang CRV. Iki­narga ko ang aking maleta.

“Tayo na Tibur.’’

Tumakbo na ang aming sasakyan. Si Alice siyempre ang nagda-drive. Habang tumatakbo, patuloy ang kuwentuhan namin ng aking si Alice. (Itutuloy)

Show comments