May Isang pangit (18)

IKINUKUWENTO ni Tiburcio kung paano siya kumuha ng mga trabahador na Pinoy para sa farm ni Abdulla. At isa sa mga trabahador na kinuha niya ay ang kaibigang si Mulong.

Pero bago pa lubusang naikuwento ni Tiburcio ang tungkol sa pagkuha niya kay Mulong at sa iba pang trabahador ay naputol iyon nang biglang dumating ang asawa ni Tiya Encar na si Tiyo Iluminado. Ga­ling sa pamamasada ng multicab si Tiyo Iluminado.

Nang makita ni Tiyo Iluminado si Tiburcio ay masayang-masaya ito. Mahigpit na niyakap si Tiburcio. Tinapik-tapik naman­ ni Tiburcio ang likod ng tiyuhin.

“Akala ko hindi mo na kami dadalawin dito, Tibur,’’ sabi ni Tiyo Iluminado.

“Hindi ko kayo nakakalimutan ni Tiya Encar. Kahit malayo na ang narating ko, hindi ako nakakalimot. Hindi nga lang ako nakasulat dahil naging abalang masyado. Pero ngayon ay susulitin ko lahat ang ma­­tagal na hindi natin pagkikita. May sinabi na ako kay Tiya Encar tungkol dito kay Tornado…”’

“Aba ano ’yun, Tibur?’’

Si Tiya Encar na ang nag­sabi sa asawa.

‘‘Si Tibur na ang magpapaaral kay Torn. Lahat nang gastos sagot niya.

Hindi nakapagsalita si Tiyo Iluminado. Malaking sorpresa iyon. Hindi na niya kailangang gumising nang maaga para magbiyahe ng cab. Hindi na siya makiki­pag-agawan sa pasahero.

“Napakabait mo Tibur. Talagang pinuproblema namin ni Tiya Encar mo kung paano mapagtatapos si Tornado ng engineering. Matalino pa naman kaya sayang kung mahihinto lang.’’

‘‘Ako na ang bahala sa kanya. Bibigyan ko pa kayo ng puhunan kung ano ang gusto niyong pasuking negosyo­.’’

Hindi muli nakapagsalita si Tiyo Iluminado. Napakaraming ibibigay ni Tiburcio.

‘‘Talaga bang napa­karami mo nang kuwarta, Tibur?’’

Si Tiya Encar ang sumagot.

‘‘Malaki ang farm niyan sa Australia.’’

“Aba at nakadale ka pala ng Australyana, Tibur.’’

“Oo Tiyo Iluminado. Pero Pinay din siya na matagal na sa Australia.’’

“Tingnan mo nga naman ang buhay ano. Noon ina­api ka at ginugulpi-gulpi, ngayon ay ikaw naman ang sinusuwerte. Tingin ko sa’yo ngayon ay ikaw ang pinaka-guwapo, Tibur.’’

Nagtawa si Tibur.

‘‘Mas lalo akong magi­ging guwapo sa tingin mo, Tiyo Iluminado kapag binigyan kita ng dollars. Baka ang tingin mo sa akin, ako na si Piolo…’’

Tawa nang tawa sina Tiya Encar at Torn.

“Basta ang pangako ko lang sa inyo, isi-share ko ang anumang nakuha ko. Makikinabang kayo. Ganyan din ang ginawa ko noong nasa Saudi Arabia­ ako…hindi ko nakalimutan ang mga taong tu­mulong at naging mabait sa akin…”

(Itutuloy)

Show comments