Thelma (167)

“ROVERT bang name ng kapatid ko, Papa?” Tanong ni Trev nang dumating galing sa Maynila. Nasa bahay na si Thelma at ang sanggol. Pinagmamasdan nila ang sangggol sa crib. Si Thelma ay natutulog ng mga oras na iyon.

“Oo. Binaliktad na Trevor. Cute di ba?”

“Oo. Magkakapareho ang name natin di ba Papa?”

“Oo nga.”

“Bakit kaya naisipang Trevor din ang ipangalan sa akin?”

Hindi makapagsalita si Trevor. Sasabihin ba niya rito na sa kanya kinuha ang pangalan dahil magkakilala na sila noon pa ng ina at ama nito?

“Ano bang sabi ng Mama mo?”

“Sabi si Papa raw ang nakaisip ng Trevor. Kaya nga nang maging prop kita at nalamang Trevor ang pangalan mo e nagtaka ako.’’

“Bakit?” Hindi humihinga si Trevor.

“Kasi akala ko nag-isa akong Trevor ang name.”

Nagtawa si Trevor.

“Ako man akala ko, nag-iisa akong Trevor pero marami pala. Yung kaklase ko noong college sa UP, Trevor din ang pangalan.”

“Saan naman kaya nakuha ng Papa ko ang name na Trevor. Ayon kay Mama e hindi naman palabasa si Papa. High school nga lang ang natapos at pagtatraysikel lang ang pinagkakakitaan.”

Hindi na nagsalita pa si Trevor. Kung alam lang ni Trev na matagal na silang magkakilala ng ama nitong si Delmo. At nakokonsensiya nga siya dahil nagkasala rito. Napakabait pa naman ng ama ni Trev na si Delmo.

“Sabagay kahit saan pa niya kinuha ang pangalang Trevor na binigay sa akin, nagpapasalamat ako sa kanya dahil binigyan niya ako ng pangalan. Sabi ni Mama, mabait, masipag at matapat ang papa ko. Malapit na raw akong ipanganak nang maaksidente si Papa Delmo.”

Napatango na lang si Trevor. Nakokonsensiya siya nang maalala si Delmo.

Pinagmasdan ni Trev ang kapatid na si Rovert. Natutulog ang kapatid.

“Parang magkamukha kami, Papa. Tingnan mo ang ilong niya at ilong ko. Parehong maliit pero matangos. Tingnan mo ang kilay at tulad din ng kilay ko na malago…”

(Itutuloy)

Show comments