PINAKAIN ni Trevor ang lalaki na ang pangalan ay Pacio.
“Dagdagan mo pa ang order, Pacio at minsan lang ito. Bukas may bayad na ‘yan.”
“Suwerte pala ako at nakilala kita Trevor. Nakalibre tuloy ang tanghalian ko.”
“Kapag may panahon ka, punta ka sa amin. Alam mo na yung tindahan ng motorcycle parts. Yung malapit sa simbahan?”
“Oo yung ang may-ari ay si Mam Thelma.”
“Oo. Ako ang mister niya.”
“Ay ikaw pala! Bakit hindi kita nakikita sa tindahan n’yo?”
“Sa Maynila ako nagtatrabaho. Propesor ako sa unibersidad. Writer din ako ng mga kuwento at nobela.”
“Ay ang galing mo pala Trevor.”
“Hindi naman.”
Napatigil sa pagkain si Pacio. Napansin ni Trevor.
“O kain pa Pacio. Order ka pa. Sige na.”
“May bigla kasi akong naisip Trevor.”
“Ano yun?”
“Sabi mo propesor ka sa unibersidad, baka naman puwede mo matulungan ang panganay ko kapag mag-aaral na sa college. Baka may alam kang nagbibigay ng scholarship. Matalino ang anak kong panganay.
Salutatorian siya noong third year high school. Ngayon ay graduating na siya at baka siya ang valedictorian. Baka naman matulungan mo Trevor, sayang naman ang talino ng anak ko.”
“Sige. Ihahanap ko siya at baka may foundation na naghahanap ng mga batang matatalino. Ibibigay ko sa’yo ang cell number ko. May cell ka ba,. Pacio?”
“Wala nga Trevor.”
“Sige ako nang bahala.”
“Salamat uli.”
“Payo ko lang huwag mo nang buntisin ang misis mo para hindi na madagdagan ang anak n’yo. Kawawa lang kapag hindi napag-aral.”
“Oo Trevor. Magpaplano na kami. Gagamit ako ng condom. Ipapa-ngako ko na hindi na magbubuntis amg misis ko.”
“Ganyan. Para sa inyo rin ‘yan.”
Matapos silang kumain ay naghiwalay na sila.
Nagtuloy si Trevor sa nursery para silipin ang bagong silang na anak. Excited siya sa itsura ng anak niya.
(Itutuloy)