MINSAN ay ginabi ng uwi si Trev. Pasado alas-diyes na ng gabi dumating. Alalang-alala si Thelma. Noon lang umuwi ng ganoon ka-late si Trev. Ang karaniwang oras ng pag-uwi nito ay alas sais ng gabi.
“Bakit ngayon ka lang Trev? Alalang-alala ako. Hindi ko malaman ang gagawin ko. Hindi ka man lang nag-text.”
“Sorry Mommy, nau-busan ako ng load.”
“Bakit ka ba ginabi?”
“May sakit kasi si Sir Trevor kaya dinalaw ko. Dalawang araw nang absent sa klase namin. Ipinagtanong ko sa office kung saan nakatira at pinuntahan ko. May trangkaso pala. Kawawa naman kasi Mommy. Nagulat nga siya nang dumating ako. Paano ko raw nakita ang tirahan niya. Sinabi ko, ipinagtanong sa Faculty Office.”
“Masyado ka naman yatang na-attached sa propesor na iyon, Trev,” sabi ni Thelma.
“Naaawa kasi ako Mommy.”
“Ba’t ka naman naaawa?”
“Basta iyon ang nararamdaman ko.”
Hindi na nagsalita pa si Thelma. Ayaw na niyang i-pressure pa ang anak dahil lamang doon. Nagsabi naman ito ng dahilan kung saan nagpunta at kung bakit hindi nakatawag sa kanya. Tama na iyon. Hindi siya dapat maging bungangerang ina. Dapat ay cool lamang siya lalo pa’t lalaki ang anak niya.
“Sorry Mommy ha. Ha-yaan mo at magti-text na ako sa’yo next time na gagabihin ako.”
Mabait si Trev. Suwerte siya sa anak. Kumpara sa ibang kabataan, naipagmamalaki niya ang anak dahil bukod sa mabait at responsible ay mabait pa. At napakabuting anak.
Naisip ni Thelma, hindi kaya ang naramdamang awa ni Trev sa hindi nakikilalang ama ay dahil magkadugo sila. Iyon din ba ang tinatawag na “lukso ng dugo”? Baka nga.
Minsan ay may sinabi si Trev kay Thelma.
“Tinanong ako ni Sir Trevor kung saan daw ako nakatira. Sinabi kong malapit lang sa unibersidad. Gusto raw niyang makarating dito. Sagot ko’y okey lang. Mabait naman ang mommy ko. Sabi ko ipakikilala ko siya sa mommy ko.”
Pinagpawisan nang malamig si Thelma. Parang kuwento sa komiks ang nangyayari sa kanila. Swak na swak ang ginawang plano ni Trevor Buenviaje. (Itutuloy)