Thelma (120)
HINDI na makakaiwas si Thelma. Natanaw na siya ni Trevor Buenviaje. Kaila-ngang harapin na niya ang lalaking ito.
“Kilalang-kilala pala ang shop mo, Thelma. Lahat pala ng traysikel drayber dito sa shop mo bumibili,’’ sabi ni Trevor nang nasa may counter ng shop. Ang tauhan ni Thelma ay nakatingin lang kay Trevor. Dalawa ang tauhan niya --- lalaki at babae.
“Sinabi ko lang name mo, dinala agad ako rito,” sabi pa ni Trevor na tila may ningning ang mga mata at nasisiyahan dahil nagkita sila.
Lumapit si Thelma sa may gilid at binuksan ang pinto roon. Sinenyasan si Trevor na doon dumaan.
Lumigid si Trevor.
‘‘Halika rito. Dito tayo sa loob.’’
“Salamat, Thelma.’’
Naglakad sila sa isang pasilyo na maliwanag ang ilaw. Ang hinantungan nila ay bakuran nang isang malaking bahay. Maraming nakatanim na halamang namumulaklak sa bakuran.
‘‘Ito ba ang bahay mo?’’
“Oo.”
Binuksan ni Thelma ang pinto. Pumasok sila. Nalantad ang maluwang na sala. Malinis na malinis. Asul ang kurtina. Pula ang hugis “L”’ na sopa.
‘‘Maupo ka.’’
Naupo si Trevor. Umalis si Thelma at nagtungo sa kusina. Nang bumalik ay may dalang dalandan juice. Nasa isang nagpapawis na pitsel. Sa isang pinggan ay may cookies.
“Magmeryenda ka muna.’’
“Salamat. Tamang-tama, gutom na nga ako. Alas kuwatro ako umalis sa Maynila. Magdadala sana ako ng sasakyan kaya lang hindi ko kabisado ang daan. Matagal na akong hindi nakakapunta rito kaya nakakapanibago.
Nagsalin ng juice sa baso si Trevor. Uminom.
‘‘Aaah, sarap. Tamang-tama ang timpla.”
“Kumuha ka ng cookies. Ako ay may bake niyan.”’
Dumampot ng isa si Trevor. Kumagat.
“Masarap. Ikaw kumain ka. Saluhan mo ako.’’
Dumampot ng cookies si Thelma. Hindi tumitingin kay Trevor habang ngumunguya.
“Gusto kitang makita Thelma kaya dito na ako pumunta. Isa pa baka hindi mo ako tanggapin kapag pinuntahan kita sa tirahan mo sa Sampaloc.’’
“Paano mo nakita ang tirahan namin sa Maynila?’’
‘‘Sinundan kita. Nung magkita tayo sa Quiapo sinundan kita hanggang sa makita ko ang tirahan mo. Pero hindi mo ako hinarap. Alam ko, naroon ka. Pero hindi na ako nagpumilit pa. Pero hindi ko matiis na hindi ka makita, nagpasya akong puntahan ka rito.’’
(Itutuloy)
- Latest
- Trending