KINABAHAN si Thelma. Narito na naman ba ang babaing ito para guluhin ang tahimik niyang buhay? Pagkaraan nang maraming taon ay nagbalik para muling sumira.
Pero nagpakatatag si Thelma. Handa siya sa anumang mangyayari. Hindi na siya papayag na muling lait-laitin ni Judith. Tama na ang mga ginawa nito sa kanya noon na naging dahilan kung bakit namatay ang asawang si Caloy. Nakonsensiya na kaya ang babaing nasa harapan niya ngayon?
“T-Thelma, patawad!”
Iyon ang unang sinabi ni Judith nang nasa harapan na niya. Mahina ang boses ni Judith. Malaki ang pagkakaiba sa mapagmataas na boses noon na nilait-lait siya sa loob ng banko. Pinagbintangan siyang nanlalalaki at sinusustentuhan daw. Humihingi rin sa kanya ng balato dahil marami raw pera. Pero sa totoo lang ay gusto siyang pamukhaan na kung hindi dahil kay Caloy ay hindi siya magkakaroon ng pera. Pero ang masakit ay ang pagbintangan siyang may lalaki.
Ngayon ay humihingi ito ng tawad. Tama ba ang narinig niya? Humihingi ng tawad sa mga nagawang kasalanan.
“Mamamatay na ako, Thelma. Maaari mo ba akong patawarin. Matagal na akong nagsisi. Hindi lang ako makalapit sa iyo para makahingi ng tawad…”
Nanatiling nakatingin si Thelma kay Judith. Mamamatay na raw ito. Ano ba itong sinasabi niya?
“Patawarin mo na ako. Maligaya na akong mamamatay. Nagsisi na ako, Thelma. Pinagsisihan ko na ang nagawa kay Papa. Alam ko, ang pag-aaway namin noon ang dahilan kaya siya inatake sa puso. Masyado siyang nasaktan sa mga sinabi ko. Nagsisi na ako, Thelma, maniwala ka…”
Hindi malaman ni Thelma ang gagawin. Mapapatawad ba niya si Judith?
“May kanser ako, Thelma. Stage 4 na. Wala nang lunas. Nakahanda na ako. Tanggap ko na. Pati kay Ara, gusto kong humingi ng tawad. Sabihin mo sa kanya, patawarin na ako….”
Hanggang sa makita ni Thelma ang pag-iyak ni Judith. Masagana ang luha. Luha ng isang nagsisisi.
Unti-unting lumalambot ang puso ni Thelma. Handa niyang patawarin ang babaing ito na malapit nang mamatay.
(Itutuloy)