Thelma (94)

ABALANG-ABALA ang mga doctor sa pagsagip kay Caloy. Pina-pump ang dibdib nito. Nakamulat ng bahagya ang mga mata ni Caloy pero pawang walang nakikita. Bakit ganoon ang itsura ng asawa niya? Parang hirap na hirap. May pinagdaanang mabigat?

Tahimik na umiyak si Thelma. Hawak niya sa kanang kamay si Trev na nakatingin lamang sa mga doctor na sumasagip kay Caloy. Hindi pa alam ni Trev ang tunay na nangyayari sa kanyang Papa Caloy.

“Caloyyy!” Hindi na napigil ni Thelma ang sarili. Napatingin sa kanya si Trev.

“Mama, anong nangyari kay Papa Caloy?” tanong ni Trev.

Pero hindi agad masagot ni Thelma ang anak. Paano ba niya sasabihin na nagtungo ito sa bahay ng anak na si Judith at maaaring nagkasagutan at iyon ang ugat kaya nanikip ang dibdib.

“Mama bakit?”

“Mamaya na lang Trev. Mamaya na lang,” humihikbing sagot ni Thelma.

Patuloy ang mga doctor sa ginagawa kay Caloy na pag-pump sa dibdib. Hanggang may inilagay na aparato sa dibdib ni Caloy. Pero ganon pa rin ang itsura ni Caloy. Nakamulat nang bahagya ang mga mata pero walang nakikita. Hindi niya alam kung tulog o… patay na ba ang asawa niya.

“Caloyyy, huwag mo akong iiwan! Caloyyy!”

Ang pagsasalitang iyon ni Thelma ang naging dahilan para umiyak din si Trev.

“Mama, anong nangyayari kay Papa Caloy? Mama, sagutin mo ako.”

Pero umiyak lamang si Thelma. Parang nararamdaman niya na may masama nang nangyayari. Malakas ang kutob niya na iniwan na siya ni Caloy.

Hanggang sa lapitan siya ng isang doctor. Malakas ang kutob niya na may masamang sasabihin ang doctor. Hinigpitan niya ang hawak sa kamay ni Trev. Kailangan niyang magpakatatag ngayon.

(Itutuloy)

Show comments