Thelma (89)
PATULOY na nagwawala si Judith at nabubulabog ang mga kliyente. Nagsisigaw si Judith na parang nasisiraan ng bait. Nagbabala ang bank manager kay Thelma.
“Puwede kayong kasuhan ng pag-eeskandalo Mam Thelma. Kayong dalawa ang dahilan kaya natatakot ang customers namin. Kaya gusto na-ming ayusin na. Kapag may dumating na pulis dito, baka akalain ay may holdapan at magpapanic ang tao. Baka wala kaming kitain dahil mag-aalisan ang customers. Gawan mo na ng paraan Mam Thelma.”
Gulung-gulo si Thelma. Bakit ba nasampal pa niya ang loka-lokang babae? Sana hinayaan na lang niya? Pero ang sakit ng paratang sa kanya. Nanlalalaki raw siya at baka ang perang kinikita mula sa tindahan ay sinusustento sa lalaki. Hindi na niya nakaya ang paratang kaya inupakan niya. Sana ay binigyan na lang niya ng “balato”. Sana ay nakapag-isip pa siya at hindi agad nagpadala sa galit.
Napabuntunghininga si Thelma.
“Hihingi na lang ako ng sorry sa kanya. Nabigla lang naman ako kanina,”sabi ni Thelma sa manager.
‘‘Mabuti pa nga Mam Thelma. Sige po para matapos na. Baka pati ako e masisante sa nangyayaring ito.’’
Nilapitan ni Thelma si Judith na noon ay nasa kabilang opisina. Nasa likuran ni Thelma ang manager para mamagitan. Nakaupo si Judith sa silya at sambakol ang mukha. Nang makitang paparating si Thelma ay nanlisik ang mga mata. Pero wala namang balak na sumugod para makaganti kay Thelma.
Masakit para kay Thelma na humingi ng sorry pero kailangang tanggapin niya. Kapag hindi siya nag-sorry ay baka makarating pa kay Caloy ang problema at maapektuhan ang kalusugan nito. Baka maging dahilan pa ng paninikip ng dibdib.
“Sorry na Judith. Na-bigla lang ako.”
Tumingin lang sa kanya si Judith. Nakataas ang mga kilay.
‘‘Isusumbong kita kay Papa. Makikita mo!’’
Natakot si Thelma. Baka kung mapaano si Caloy. Delikadong maga-lit si Caloy.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending