Thelma (87)
“TULAD ni Papa, nagtataka rin ako kay Ate Judith kasi noong una ay pawang Diyos ang bukambibig niya. Sa isip ko, nagbago na nga siya. Pero hindi pala. Mas lalo pa yatang naging ganid sa pera.”
“Yan nga ang sabi ng papa mo sa akin. Hindi raw niya alam kung ano ang nangyayari kay Judith.”
“Kaya nga lalo kang mag-ingat sa kanya, Thelma.’’
“Salamat uli sa payo, Ara. Sana lagi kang narito para may kakampi kami ng papa mo.’’
Napangiti si Ara.
‘‘Hayaan mo at dadalasan ko ang uwi rito. Gusto ko rin namang laging madalaw si Papa.’’
“Pero mag-text ka naman sa akin, Ara para nakakapaghanda ako ng kakai-nin mo. Nakakahiya naman na wala akong maipakain dahil biglaan ang pagda-ting mo.”
“Sige, ibigay mo sa akin ang number mo.’’
Iniba ni Thelma ang usapan.
‘‘Hindi ka pa ba mag-aasawa, Ara?’’
“Hindi pa. Mas masarap na single muna. Saka na lang.”
“Hindi ba naghahanap ng apo ang papa mo?”
“Hindi naman. At saka may apo naman siya kay Ate Judith. Dalawa pa.”
“E hindi na raw dinadala sa kanya. Mula raw noong mapangasawa ang pastor ay inilayo na ang dalawang anak nito gayung sila raw ng mommy mo ang nagpalaki sa dalawang bata.’’
“Hindi talaga malaman ang ugali ni Ate Judith. Kaya naman si Trev mo ang mahal na mahal ni Papa. Napapansin ko, magkasundung-magkasundo ang dalawa ano, Thel?’’
‘‘Oo. Kung minsan nga e sa kuwarto ni Trev natutulog si Caloy.’’
‘‘Mahal talaga siya ni Papa. Sabik kasi sa anak na lalaki.’’
‘‘Kaya kung mag-aasawa ka dapat ang iaanak mo ay lalaki para lalong sumaya ang papa mo.’’
Nagtawa lang si Ara.
MAKALIPAS ang ilang buwan, hindi inaasahan ni Thelma na magkukrus ang landas nila ni Judith. Nagdeposito ng pera si Judith sa isang banko. At nagkita sila. Gustong umatras ni Thelma at saka na lang magdeposito pero huli na. Nakita na siya.
Lumapit ito sa kanyang kinauupuan. Nakatingin sa kanyang bag na maraming lamang pera.
‘‘Ang dami mo sigurong idedeposito ano? Baka naman puwede akong makabalato?”
Hindi makakibo si Thelma. Talagang hinahamon siya ni Judith. (Itutuloy)
- Latest
- Trending