NAKIPAG-USAP si Mam Mina sa anak. Nakikinig si Trevor. Malambing si Mam Mina habang nakikipag-usap. Sa takbo ng usapan ay may ibinabalita ang anak kay Mam Mina. Napahalakhak si Mam Mina sa sinabi ng anak. Buhay na buhay ang pagtawa. Kapag ganoong nagtatawa si Mam Mina ay nasisiyahan na rin si Trevor. Pansamantalang nalilimutan ni Mam Mina ang problema sa asawang durugista at babaero.
“Bye Honey. Ingat!”
Narinig ni Trevor. Tapos nang mag-usap.
“Mataas daw ang nakuha ng anak ko sa exam. Baka raw running for honor siya,” sabing nasisiyahan ni Mam Mina.
“Mana sa ina siguro.”
“Hindi. Talaga lang naka-pokus ang anak ko sa studies. Hindi siya nagbu-boyfriend. Abala lang daw sa pag-aaral.”
“Mabait talaga ano.”
“Oo Trevor. Kaya nga kapag naiisip ko na ipagtapat sa kanya ang “lihim” ng kanyang daddy ay baka masira ang pag-aaral.”
“Hindi naman siguro. Ang mga matatalino ay hindi basta-basta natatalo ng mga problema.”
Napabuntunghininga si Mam Mina. Malalim. Saka bumaling kay Trevor at yumakap. Sumubsob sa dibdib ni Trevor. Parang bata na humihingi ng init at lakas sa lalaking nakauunawa sa kanya.
Habang nakasubsob si Mam Mina sa kanyang dibdib ay malayo naman ang lipad ng isip ni Trevor. Ngayong may nangyari na sa kanila, tiyak nang mahirap na ang paghihiwalay. Mas lalo siya. Hindi na siya papayag na magkahiwalay pa sila ng babaing ito. Ngayon pa na naranasan na niya sa piling nito ang hindi malilumutang ligaya. Ipaglalaban niya ang pag-ibig kay Mam Mina. Kahit pa saan makarating, hindi siya papayag na magkalayo pa sila. Hindi na siya mabubuhay nang normal kapag nawala sa piling niya si Mam Mina.
“Dito ka na lang ha. Mabubuhay naman tayo dito,” sabi ni Trevor.
“Sino bang maysabi na aalis ako rito?”
Nasiyahan si Trevor sa sagot na iyon.
“Hindi ka talaga aalis?”
“Hindi.”
“Paano pag-uwi ng anak mo kung Sabado at Linggo?”
“Saka na lang proble-mahin yun.”
Lalong nasiyahan si Tre-vor sa sagot. Kakaibang Mam Mina na ang kapiling niya. Marunong nang lumaban at manindigan.
(Itutuloy)