Takaw (45)

NAISIP ni Trevor Buenviaje na baka hindi magustuhan ng mga kaanak na mapagtatanungan niya ang tungkol sa pangyayari noon lalo pa’t maselan ang kaso. Hindi lahat ng tao ay mabait. At kung totoo ang sabi ni Sixto (magtatraysikel) na ang lugar na ito ay balwarte ng matandang pumatay sa asawang nagtaksil, baka mapahiya siya. Baka hindi magustuhan ang gagawin niyang pagtatanong. Kahit pa ipaliwanag niyang siya ay isang manunulat ng kuwento hindi naman lahat ay alam kung ano ba iyon. Siyempre liblib na rin ang lugar na ito at kakaunti ang nakakaunawa sa propesyon ng pagsusulat.

Nagmasid-masid muna si Trevor sa paligid. Kaila­ngan ay mag-obserba muna siya.

Nasa ganoon siyang pag-iisip ng isang matandang babae ang nakita niyang hirap na hirap sa dala nitong bag na buli. May sunong na basket ang matanda.

Nilapitan niya ang matanda at nag-alok ng tulong.

“Ako na po ang magdadala, Lola,” sabi niya sabay kuha sa bag na buli. Mabigat.

“Salamat, Utoy. Ito kasing apo ko ay hindi ako nasundo dahil may ginagawa.”

“Saan po ba ang inyo?”

“Dun lang sa dulo. Yun bagang may tindahan na yun.”

“Sige po at ihahatid ko na kayo. Mabigat din itong dala n’yo.”

“Paninda ko ‘yan Utoy. Kahit paano ay may kinikita sa maliit na tindahan. Mahirap ang buhay.”

Saka biglang naisip ni Trevor na baka nalalaman ng matandang ito ang sadya niya. Baka ito ang makaka-tulong sa kanya.

“Lola meron po akong hi­nahanap dito sa lugar ninyo. Baka kilala n’yo e matulungan ako.”

“Aba ay sige, sino ga ‘yun?”

“Ako nga po pala si Tre-vor. Taga-Maynila po ako     at manunulat ng kuwento.”

“Manunulat ka? Aba mahilig akong magbasa ng kuwento noon. Ngayon ay hindi na dahil mahal nang babasahin. Saka wala nang nakakarating dito sa ba-rangay namin.”

“Meron po akong isusulat na nangyari rito, Lola. Nangyari po noong 1986.”

“Dito nangyari sa Bgy. Guyam?”

“Opo, Lola. Mayroon pong pinatay. Magkalaguyo raw. Nahuli ng lalaki na may kasiping ang asawa. Pinagtataga raw.”

“Diyos ko pong mahabagin! Baka ang tinutukoy mo ay ang kapatid kong si Dionisio!”

Napalunok si Trevor. Sinusuwerte yata siya. Eto nga nga ang hinahanap niya.

“Kapatid mo po yung lalaki, Lola?”

“Oo. Nangyari noong Enero 26, 1986. Hindi ko malilimutan ang petsa dahil noong panahon na iyon ay katatapos lamang ng piyesta rito sa barangay. May mga handa kami rito.”

“Ikaw po pala ang hinahanap ko Lola. Puwede ko po ba ikaw, mainterbyu. Kung puwede lang po.”

“Aba ay oo naman. Ma­bait ka namang tao. Eto nga at tinulungan mo pa ako. Halika sa bahay ko at doon ka na rin makakain. Kung hindi ka pihikan e makakakain ka ng pagkaing mahirap.”

“Kahit po ano e kumakain ako Lola.”

“Tawagin mo akong Lola Imang, Utoy.”

Hindi maipaliwanag ni Trevor ang nadamang kasiyahan. Mukhang magan- da ang ikukuwento ni Lola Imang ukol sa kapatid na si Dionisio. (Itutuloy)

Show comments