“SARADO ang gate nang malaking bahay nina Papa. Kumatok si Papa. Nang walang nagbubukas ay kinalabog na ang bakal. Saka lamang daw sila may narinig na mga yabag papalapit. Maya-maya ay bumukas na iyon. Ang nagbukas ay ang sipsip na katulong na nagsumbong kay Misis Chan ukol sa re-lasyon nina Mama at Papa. Matalim daw ang tingin na iniukol ng sipsip kay Mama. Lumaban din daw ng tinginan si Mama sa sipsip.
“Hindi na raw nagtanong si Papa sa sipsip na katulong, tuluy-tuloy daw sila. Hawak daw ni Papa ang kaliwang kamay ni Mama. Inaalalayan daw siya nito.
“Tinungo nila ang nakabukas na pinto. Nagtungo sa salas. Pinaupo ni Papa si Mama sa upuan. Maghintay daw at pupuntahan niya ang kanyang mommy sa kuwarto nito sa second floor. Sabi ni Mama kay Papa, natatakot siya. Pero sabi ni Papa, huwag siyang matakot. Kapag hindi sila tinanggap, lalayas sila. Relaks lang daw si Mama. Mabilis daw na umakyat si Papa.
“Habang nakaupo raw si Mama ay kung anu-ano ang kanyang naiisip. Hindi niya alam ang gagawin kapag bumaba si Misis Chan at nakaharap niya. Kilala niya kung paano manlait si Misis Chan. Noon natatandaan niya, pinagmumura nito ang isang matandang trabahador sa bodega ng kopra. Babale raw ng pera ang matanda dahil maysakit ang apo pero hindi pinabale. Puro bale na raw ang matanda. Awang-awa raw si Mama sa matandang trabahador. Kinabukasan, napabalita na namatay ang apo. Hindi agad nadala sa ospital dahil walang pera. Nagkumbulsiyon daw.
“Kung pagsasalitaan daw siya nang masakit ni Misis Chan ay agad niyang yayayain si Papa para umalis. Naalala raw niya ang sinabi ni Lolo na tama na ang minsang pag-alipusta. Huwag daw hayaan ni Mama na mura-murahin uli siya ni Misis Chan.
“Hanggang sa makari-nig daw si Mama ng mga ingay ng paa pababa ng hagdan. Si Papa! Mabilis na bumababa.
“Niyayaya na siyang umalis. Mamaya na raw niya ipaliliwanag kung bakit. Tumayo si Mama. Inalalayan siya ni Papa.
“Pero hindi pa raw sila nakakalabas ng pinto ay narinig nila ang pagmumura ni Misis Chan. Si Mama ang minumura. Patay-gutom daw si Mama. Hindi raw si Mama ang gusto niya para kay Papa! May pinag-aralan daw ang gusto niya para kay Papa.”
Napaiyak daw si Mama pero pinayapa siya ni Papa. Inalalayan siya. Nasulyapan daw ni Mama ang sipsip na katulong. Ngiting aso.
Lumabas na sila sa gate ni Papa. (Itutuloy)