Ganti (73)
“MAM, ikaw na po ang bahala sa akin. Kung ipahuhuli n’yo ako sa mga pulis dahil sa ginawa ko, tatanggapin ko po. Maluwag po sa loob ko. Ang mahalaga, nakaganti na ako…hindi po ako nagsisisi sa nagawa ko. Sana po maintindihan mo ako…”
Lalong humanga si Lorena kay Encar. Malaki ang tiwala sa kanya ng babaing ito.
“Wala akong narinig, Encar.”
“Mam…”
“Tandaan mo, wala kang ipinagtapat sa akin. Wala akong narinig na anuman sa’yo.”
“Mam, ibig mong sabihin, hindi mo ako isusuplong…”
“Tayong dalawa lamang ang nakaaalam nito, Encar. Magtiwala ka.”
Niyakap siya ni Encar. Mahigpit. Umiyak. Ang luha nito ay pumatak at naramdaman niya sa kanyang balikat.
Nang matapos ang pag-iyak ay humarap sa kanya. Matatag na matatag na.
“May nobyo po ako sa probinsiya Mam. Natatakot ako noon na malaman niyang buntis ako pero ngayon makaraan kong ipagtapat sa’yo ang lahat ay nakahanda na ako kung tatanggapin niya o hindi.”
“Tama, Encar huwag kang matatakot kung hindi ka tanggapin ng nobyo mo. Kapag hindi ka niya tinanggap dahil sa kalagayan mo, hindi ka niya talaga, Mahal. Hindi mo naman ginusto ang nangyari di ba?”
Napatango si Encar.
“Basta dito ka lang sa Nagcarlan. Dito mo isisilang ‘yan. Tulad ni Pau, dito n’yo isisilang ang mga nasa sinapupunan n’yo. Mas ligtas kayo rito sa piling ko.”
“Salamat po nang marami, Mam Lorena.”
Nakita nila ang pagpasok ni Lyra at Lea.
“Mam, nakahanda na po ang mesa. Puwede na po tayong kumain.”
“Aba tamang-tama at nagugutom na kami ni Encar.”
“Halina po kayo.”
Tumayo si Lorena. Si Encar naman ay nanatiling nakaupo.
“Hoy Bruha, halika na. Napakarami naming niluto para sa’yo. Selebrasyon ito sa pagdating mo. Tayo na riyan.” sabi ni Lyra.
Tumayo si Encar at sumunod kina Lyra sa kusina.
Iyon ang pinakamaliga-yang sandali na nadama ni Encar. Pakiramdam niya ay secure na secure siya,
(Itutuloy)
- Latest
- Trending