MANILA, Philippines - APEKTADUNG-APEKTADO si Lyra sa nangyari kay Encar. Umiyak na nang umiyak.
“Kawawa naman si Encar. Kaya pala ganoon na lamang katamlay nang niyayaya ko para lumabas. Iyon pala ay mangyayari sa kanya. Sana e pinilit kong sumama.”
Pinagpayuhan ni Lorena ang tila naghehesterikal na si Lyra.
“Huwag ka munang umiyak diyan at hindi pa natin alam ang nangyayari. Kapag may report na ang pulis saka magganyan…”
“Hindi ko po kasi akalain na mangyayari ito, Mam.”
“E sino bang may gusto?”
Natahimik pansamantala si Lyra. Pero makaraan ang ilang minuto ay nagsalita na naman.
“Okey lang kung ang mga hayup naming amo ang nasunog at namatay. Bagay lang sa kanila iyon dahil masama sila. Pero si Encar napakabait niya. Ang alam ko Mam, mara-ming pinag-aaral na kapatid si Encar. Ulila na sila. Si Encar lamang po ang nagtatrabaho. Paano kaya ang mga kapatid niya ngayong wala na si Encar.”
Hinayaan na lamang ni Lorena si Lyra. Siguro ay talagang hindi nito matanggap ang nangyari.
“May ipinagtapat kasi sa akin si Encar, Mam kaya ganito ako na hindi mapakali…”
“Anong ipinagtapat?”
“Tungkol nga po sa ginagawa ng amo namin sa kanya. Ilang beses na po siyang nagalaw. Ang masakit pa po ay hindi na raw siya nireregla.”
Putang-ina! Walang ipinagkaiba sa kaso ni Pau. At wala ring ipinagkaiba sa kaso niya. Ilang beses din siyang ginalaw ng manyakis na Intsik hanggang sa hindi na rin siya niregla. Mabuti na lang at kinupkop siya nina Nanay Delia at Tatay Ernesto. Isinilang niya ang anak na si Edel.
“Buntis din si Encar, katulad ni Pau?”
“Opo, Mam. At natatakot po siya dahil meron siyang kasintahan sa kanilang probinsiya. Ano raw ang mukhang ihaharap niya sa kasintahan ngayong binuntis siya ng aming amo.”
Napakagat-labi si Lorena. Ibang klase namang kuwento ang kay Encar.
“Iyan po ang dahilan kaya parang masakit na masakit sa akin ang nangyari kay Encar, Mam Loren.”
“Nauunawaan kita, Lyra. Pero wala tayong maga-gawa kung may nangyari man sa kanya. Hindi mo rin dapat sisihin ang sarili. Sigu- ro mas maganda ay magdasal tayo na ligtas si Encar.”
“Opo, Mam.”
Kinabukasan ay naka-monitor sila sa TV sa nangyaring sunog. Ibinabalita ang malaking sunog sa Binondo kung saan kumpirmadong mag-asawang Intsik ang namatay. Inaalam pa kung mayroon pang biktima sa sunog.
“Dalawa lang ang patay, Lyra,” sabi ni Lorena.
“Sana po, buhay si Encar!” (Itutuloy)