Ikinasal sina Lorena at Noli. Maayos ang kasalan. Maraming pera si Noli kaya ang reception ay sa isang sikat na restaurant sa Quezon City. Marami rin ang dumalo na pawang mga kamag-anak ni Noli. Ang araw na iyon ang isa sa pinaka-itinuturing ni Lorena na pinakamaligaya sa kanyang buhay. Ang mag-asawang Delia at Erning ay masayang-masaya habang pinagmamasdan sina Lorena at Erning sa reception. Karga ni Mang Erning si Edel. Wala pang malay si Edel sa nagaganap na masayang reception.
Ilang araw pa ang itinigil nina Lorena at Noli sa bahay nina Aling Delia. Nang aalis na sila para sa Nagcarlan na manirahan ay napaiyak si Lorena. At iyon ang naging mitsa para naman bumunghalit din ng iyak si Aling Delia.
“Parang anak ka na namin, Lorena. Malulungkot kami ngayong wala na kayo.”
“Ako man, Nanay Delia. Mahal na mahal ko kayo ni Tatay Erning.”
“Dalawin n’yo naman kami palagi. Hindi na kami makakapagbiyahe sa Nagcarlan dahil malayo rin ang pagtungo roon.”
“Opo Nanay Delia. Lagi po kaming pupunta rito.”
“Kung maaari lamang na iwan na ninyo itong apo kong si Edel ay masisiyahan kami ni Erning. Kaso, baka maghanap ng ina.”
“Lagi po kaming pupunta rito. Pangako po.”
Si Noli ay nangako.
“Linggu-linggo ay pupunta kami rito, Tiya Delia.”
“Salamat naman. Kasi’y kaming dalawa na lamang ni Erning dito. E ano kaya at dito na ang mag-ina, Noli at lumuwas ka na lamang kapag Linggo dito sa Maynila.”
Nagtawa si Noli.
“Si Tiya naman e di ako naman ang kawawa sa ba- hay ko. Gusto ko magkasama na kami ni Lorena at Edel.”
“Eto naman para nagbibiro lang e. Sige aasahan na lang namin kayo rito tuwing Linggo ha.”
“Opo.”
Maganda ang buhay sa Nagcarlan. Tama si Aling Delia na malaki ang kabuhayan ni Noli. Maraming ipon. Ibinigay kay Loren ang passbook na maraming nakaimpok na pera. Masipag at masinop si Noli.
Lalo pang gumanda ang buhay nila nang pumatok ang skinless longganisa na sinimulan ni Noli. Nakilala na nang husto sa Nagcarlan at maski sa Liliw. Nagsusuplay sila sa mga canteen ng school at doon sa mga nagbabalot-balot ng pagkain para pambaon. Hindi nagkamali si Lorena sa pagpili kay Noli.
Sabi pa ni Noli: “Kaila-ngang marami tayong pera para mapaghandaan ang kinabukasan ni Edel. Pag-aaralin natin siya sa magandang school. Mukhang matalino eh.” (Itutuloy)