IPINAKILALA ni Aling Delia si Lorena kay Noli. Tipo ngang mahiyain si Noli. At marahil iyon ang dahilan kaya tumandang binata. Lampas na raw ng kuwarenta si Noli.
‘‘Bakit naman bigla kang napadalaw, Noli?’’ tanong ni Aling Delia sa pamangkin.
“Namamasyal lang Tiya. At saka magtatanong din sana kung may resipe ka pa sa paggawa ng skinless longganisa.”
“Aba at balak pa yatang maglongganisa.”
“Ita-try lang ho, Tiya. Kasi’y nauuso sa atin sa Nagcarlan ang mga balot-balot na pagkain sa dahon ng saging. Para sa empleado at estudyante baga. Masarap na baon kasi ang longganisa. Gusto ko subukan, Tiya.’’
‘‘Nakow, balak mo ngang magbusiness. Paano yung lansonesan mo? Di ba ang lawak ng lansonesan mo?”
“Andun pa rin ho. Eto namang paglolongganisa ay balak pa laang.”
‘‘Nakow e baka ikaw ang maging milyonaryo sa Nagcarlan. Kaya lang e sino naman ang paglalaanan mo ng pera mo e wala ka namang asawa. Mag-asawa ka na at matandang tinale ka na,” sabi at nagtawa si Aling Delia.
Nagtawa din daw si Noli.
Ibinigay daw ni Aling Delia ang resipe kay Noli.
Sumunod na linggo ay dumalaw na naman si Noli. May dalang isang tiklis na lansones. Nagkataon na wala noon ang mag-asawang Delia at Erning sa bahay.
“Naku e wala pa sila e aalis na ako. Pakisabi mo na lang na dumating yung pamang-kin ni Tiya Delia,’’ sabi ni Noli na tipong nahihiya.
‘‘Naku e kumain ka muna Mang Noli. At saka baka darating na si Nanay Delia at Tatay Erning,” sabi raw ni Lorena. “Halika muna at ipaghahanda kita ng makakakain.”
“Naku ay nakakahiya naman. Meron ka pa yatang ginagawa.”
“Tapos na. Naisampay ko na ang mga damit ng baby ko. Nakapaglinis na rin ako ng bahay.”
Ipinaghanda ni Lorena ng pagkain si Noli.
‘‘Kumain ka lang nang kumain Mang Noli.’’
‘‘Salamat, Lorena.’’
Maya-maya raw ay nagtanong si Noli.
‘‘Ikaw ba ay kumakain ng lansones, Lorena?’’
“Oo naman.’’
“Buksan mo ang tiklis at kumuha ka. Matatamis ‘yan. Mag-ingat ka lang na makagat ang buto at napakapait.’’
Kumuha nga si Lorena ng lansones sa tiklis. Tinikman.
‘‘Matamis nga, Mang Noli!’’
‘‘Matamis talaga ‘yan.’’
Hindi sinasadya ay nakagat niya ang isang buto.
“Ang pait!” sabi niya.
“Dahan-dahan lang ang pagkain. Pag malaki ang buto, hwag mo nang kainin at ma-kakagat mo talaga ‘yan.”
Mabait nga si Noli, nadama ni Lorena.
(Itutuloy)