May hiyas pa sa liblib (100)
“SUMABOG daw ang LPG sa silong kaya nagkasunog,” sabi ng lalaking kausap ni Fred.
“May mga namatay daw ba Brod?”
“Ewan ko. Pero sabi, marami raw naninirahan sa second floor. Doon nakatira ang may-ari ng restaurant. Meron daw mga estudyanteng nagbi-bedspace.”
Dumating pa ang mga bumbero. Dumami rin ang mga nakikiusyuso. May mga naghahakot ng kanilang gamit at itinatambak sa bangketa. Pati mga katabing bahay ng restaurant ay nadamay. Kumalat pa nang kumakalat ang apoy.
Hanggang sa makita ni Fred na pinaaalis ng mga pulis ang mga nag-uusyuso. Maraming nagpipilit makalapit sa nasusunog na mga bahay.
Isang lalaki ang nagsisigaw at gustong lumapit sa nasusunog na mga bahay.
“Ang mag-ina ko! Ang mag-ina ko! Paraanin ninyo ako! Hahanapin ko ang mag-ina ko,!”
Pero pinigilan ng mga pulis ang lalaki. Nagpipiglas ang lalaki. Gustong makakawala.
“Paraanin n’yo ako mga hayop kayo! Hahanapin ko ang mag-ina ko.”
Pero hindi pinayagan ang lalaki. Pinagsabihan ng mga bumbero na delikado ang lugar dahil sobrang malaki na ang apoy. Tumawid na sa kabilang kalye. Maski ang barangay hall ay nadamay. Malakas ang hangin kaya madaling kumalat ang apoy.
Napabuntunghininga si Fred habang nakatanaw sa restaurant na nasunog. Tupok lahat. Parang dinaanan ng buhawi ang restaurant. Mga haligi na lang ang natanaw niya at umuusok pa.
Wala na si Ganda! Pero ayaw tanggapin ng isip niya na may nangyari na nga kay Ganda. Malakas ang kutob niya na nakaligtas si Ganda.
Hindi umalis si Fred sa lugar. Maghihintay siya at baka sakaling sumulpot si Ganda. Baka bago lumaki ang sunog ay nakatakbo si Ganda pababa.
Pero inabot na siya ng ilang oras sa lugar na iyon ay walang sumulpot na Ganda. Nawalan na ng pag-asa si Fred.
Lalo na siyang nanlumo nang sabihin ng isang lalaking nag-uusyuso na marami raw namatay sa lumang bahay na ang ibaba ay restaurant. Pati raw may-ari ng restaurant at mga anak nito ay nasunog. Pati raw katulong sa restaurant ay kasamang natupok.
Pinagpawisan nang malamig si Fred sa narinig.
Ipinasya na niyang umuwi. Habang naglalakad, hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari na ganon kabilis mawawala si Ganda sa kanyang buhay.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending