May hiyas pa sa liblib (86)
HABANG binibilang ni Fred ang kinita sa una niyang pagtatangka na magtinda ng aroskaldo, pakiramdam niya, napakarami na niyon. Na-inspired siya. Nagkaroon siya ng lakas ng loob.
Kinabukasan, nagluto uli siya. Kabisado na niya ang timpla. Hindi pa niya nailalabas ang kaldero ng aroskaldo sa kanyang garahe ay mayroon na palang naghihintay na kustomer. Ibig sabihin, masarap talaga ang tinda niya. Hindi mag-aabang ang kustomer kung hindi masarap ang tinda.
Mas mabilis na naubos ang tinda niya ng araw na iyon. Meron pang bumibili pero ubos na.
Hindi lamang si Fred ang tuwang-tuwa kundi pati ang kapatid niyang si Melda.
“Saglit lang e ubos ang tinda mo, Kuya.”
“Meron pang bumibili pero wala na akong maibigay.”
“Kailangan, dagdagan mo na ang supply.”
“Balak ko nga dagdagan na bukas ang lulutuin.”
“Hindi ka naman nahihirapan sa pagluluto?”
“Hindi. Enjoy nga ako.”
“Saka ka na lang magdagdag ng iba pang pagkain. Ipakilala mo nang husto ang arokaldo mo. Iyan ang magiging tatak mo.”
“Aroskaldo ni Freddie, he-he-he.”
“Puwedeng itawag yun, Kuya. Oo nga, Aroskaldo ni Freddie.”
“Ang pinuproblema ko ay ang pamamalengke ng mga lulutuin. Kailangan mayroon na akong pirmihang bibilhan ng karneng manok ano?”
“Oo. Magpareserba ka na. Malay mo magkau-busan ng karneng manok.”
Nang mga sumunod na mga araw ay napatunayan pa ni Fred na talagang mabenta ang aroskaldo niya. Dalawang kaldero na ang kanyang niluluto at nauubos iyon bago pa mag-alas nuwebe. Superbilis. Iyong iba ay sa mismong garahe na kumakain. Naglagay na ng mesa at upuan si Fred. Iyong iba, nagpapabalot na lang.
Nang magtungo si Melda ng umagang iyon ay nakita niya kung gaano kabenta ang aroskaldo ni Freddie. Abalang-abala ang kapatid sa pagsalok ng aroskaldo.
“Kailangan may helper ka na Kuya.”
“Oo nga. Ihanap mo kaya ako. Hindi ko na kaya.”
“Babae o lalaki.”
“Babae na lang para mabilis maghugas at mauutusan ko rin sa paghahalo ng arokaldo.”
“Sige. Magtatanong ako.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending