PALABAS na ako sa kuwarto at inihahanda na ang kandado ng pinto nang biglang dumating si Cherry.
“O ano ‘yang bag na ‘yan. Saan ka pupunta?” tanong.
Umatras ako. Bumalik sa loob at hinintay na makapasok si Cherry.
“Aalis na ako rito, Cherry.”
“Aalis? Saan ka pupunta, Gaga?”
Ikinuwento ko ang tungkol kay Mon. Ang mga nangyari sa amin. Ang mga plano ni Mon para sa akin — sa aming dalawa.
Nagtawa si Cherry. Nakaaasar ang tawa.
“Wow, ang bilis mo namang naniwala.”
“Totoo naman ang sinasabi niya. Nakita ko na seryoso siya.”
“Sige kung ‘yan ang gusto mo.”
“Hindi ka galit?”
“Ikaw nga diyan, aalis ka na hindi nagsasabi sa akin, mabuti pala nakauwi ako.”
“Babalik pa naman ako para magpaalam. Ibibigay ko pati ang share ko sa bayad dito sa bahay.”
“Sige lang. Okey lang naman sa akin kung umalis ka. Good luck. Basta kung me problema ka, punta ka lang sa akin,” at tumawa at dinugtong “para me kasama akong magdamo…”
“Gaga. Tigilan mo na ‘yan.”
Nagtawa si Cherry. Parang ayaw maniwala sa payo ko.
“Alis na ako.”
“Saan ba ang bago mong tirahan?”
“Sa Binondo.”
“Aba maraming Intsik dun ah.”
Lumabas na ako. Nang pababa na, nakita ko ang matandang may-ari ng bahay. Nginitian ako.
Nagtaxi na ako patungong Binondo. Wala si Mon sa unit nang dumating ako. Maghapon akong natulog. Masarap ang pakiramdam ko sa bagong tirahan.
(Itutuloy)