Ako ay Makasalanan(25)
SUMIMSIM ako sa baso. Unang lasa ko ay mapait na maasim-asim at manamis-namis. Pero ang lasang gin ay nangingibabaw. Nakalasa na ako ng ganito noong high school pero hindi ganito ang lasa. Noon ay mas malamang ang pineapple kaya ubod ng tamis. Hindi iyon nakalasing. Ngayong itong hawak kong baso ay mataas na kalahati at hindi ko alam kung kaya kong ubusin.
“Inom na Maritess,” sabi ni Bobby na hawak pa rin ang basong may gin.
“Baka hindi ko makaya ito. Matapang.”
“Sa unang lasa lang yan. Kapag naubos mo ‘yan, hihingi ka pa ng kasunod.”
“Uy hindi naman ako sanay na umiinom.”
“Hindi ko naman sinabi na manginginom ka. Sabi ko, hahanapin mo pa ang kasunod.”
“Ganun na rin ‘yun.”
“Sige sabay tayong uminom. O gusto mo munang mamulutan?”
“Pahingi. Yang bopis ang gusto ko.”
Iniabot sa akin ang pinggan. Kumutsara ako. Masarap ang bopis. Kumakabit ang anghang. Pagkatapos ay sumimsim ako ng gin. Paunti-unti. Masarap nga yata. Hanggang sa tinungga ko na.
“O di ba, hindi naman matapang.”
“Pero parang babalik kung hindi ko napigil.”
“Sa simula lang ‘yan. Mamaya, iinit ka na.”
Inirapan ko si Bobby.
Nagtataka naman ako nang hindi makita si Cherry. Kanina lamang ay nasa may sulok at kausap si Carlo. Pati si Carlo wala rin. Lima na lamang kami sa salas. Ang tatlong kasama ni Bobby ay nag-iiuman sa di-kalayuan. Nagkukuwentuhan.
“Asan kaya si Cherry?” tanong ko.
“Nasa CR siguro. Huwag mong intindihin ang kasama mo. Hindi na bata yon. Lagyan uli kita sa baso mo?”
Tumango ako. Nilagyan. Tama si Bobby, sumasarap nga habang tumatagal.
Tumungga uli ako. Kalahati lang. Kumutsara ako ng pulutan. Si Bobby naman ang tumungga. Ubos.
Inubos ko ang laman ng aking baso. Nagpaalam ako kay Bobby na magsi-CR. Gusto ko ring malaman kung nasaan si Cherry.
Nang patungo na ako sa CR, nagulat ako nang may makitang dalawang anino sa sulok. Nakilala ko. Si Cherry at Carlo, may ginagawa! (Itutuloy)
- Latest
- Trending