NAUNA pang idinulot ang beer ni Cherry kaysa aming kakaining pizza. Sumimsim na si Cherry. Parang uhaw na uhaw.
“Anong lasa, Cherry?”
“Masarap tikman mo,” inilapit sa akin ang mug. Sumimsim ako.
“Ang pait!”
“Loka mapait ba’yan. Ang mapait ay ampalaya.”
“Hindi ko magugustuhan ‘yan.”
“Owws baka pag tinamaan ka e hanap-hanapin mo ito.”
“Naku nung high school nga e pinainom ako ng gin. Nang malasahan ko e nagsuka ako.”
“E masama talaga ang lasa nun. Sa probinsiya namin e nakainom na rin ako nun, hinahaluan ng juice.”
Dumating ang order naming pizza. Kumain ako. Si Cherry ay panay ang inom ng beer.
“Kumain ka muna Cherry.”
“Sige lang. Gusto ko medyo me tama para masarap kumain.”
“Baka magsuka ka.”
Nagtawa lang si Cherry.
Naubos ang iniinom. Pumiraso ng pizza.
“Order pa ako ng beer. Sarap e!”
“Bahala ka.”
Napansin ko na namumungay ang mga mata ni Cherry. At matabil na rin ang dila. Malakas na ang boses. Nakatingin sa amin ang dalawang nasa kabilang mesa.
Nang dumating ang beer niya e agad sumimsim. Makaraan ay inalok uli ako.
“O simsim ka uli. Masarap yung medyo dinuduyan ka. Masarap mag-trip.”
“Baka malasing ako.”
“Hindi. Try mo. Sige na,” inilapit sa aking bibig ang mug ng beer.
Napilitan na ako. Simsim lang. Mapait talaga. Inulit ko ang pagsimsim.
“O ano di ba walang pait?”
“Hindi na gaano.”
“Sabi ko sa’yo. Sa una lang medyo mapait.”
“Baka malasing tayo sa kasisimsim niyan.”
“Hindi. Ano ikuha na kita ng beer mo.”
“Sige.”
Kaya pareho na kaming umiinom ni Cherry. Yung pagsimsim ko e lumaki nang lumaki at lumagok na ako.
Nakaramdam ako ng pag-ikot ng paligid. Pero masarap pala ang idinuduyan.
“Ano Maritess? Masa-rap di ba?”
“Oo.”
“Sabi ko sa’yo.”
“Paano tayo uuwi, Cherry?”
“Hindi pa nga tayo nagsisimula e pauwi ka na. Mag-enjoy muna tayo.”
“Kaya mo pa, Cherry?”
“Oo naman.”
Uminom pa si Cherry. Talagang sanay itong uminom. Naubos na ito ang ikalawang order.
“Isa na lang at uuwi na tayo.”
“Ako ayoko na.”
“Hustuhin mong dalawa. Tamang-tama ‘yan.”
“Sige na nga. Ikaw talaga Cherry kapag hindi ako nakalakad, ikaw ang sisisihin ko.”
“Oo ako ang bahala sa’yo, Maritess. Magtataksi tayo pauwi.” (Itutuloy)