SUBALIT malaking pagkadismaya ang nadama ni Cherry makaraang isumbong ang nangyari sa kanyang Kuya Ramon. Natakot. Lumabas ang pagkabakla. Umiwas ito na masisi sa nangyari.
“Aba ay huwag mo akong isama sa nangyari sa iyo. Kung ni-rape ka e di sana sumigaw ka. Baka ginusto mo rin.”
Iyon daw ang sinabi ng Kuya Ramon niya. Akala niya kakampihan siya. Iyon pala iiwas at baka isangkot niya.
“Pati ako madadamay niyang nangyaring ’yan. Mabuti pa umuwi ka muna sa inyo. Wala akong magagawa sa nangyari sa’yo.”
Iyon ang huling kataga na narinig ni Cherry at agad siyang nagbalot ng damit at umalis sa bahay ng pinsan. Kung saan siya pupunta ay hindi niya alam. Hindi siya umiiyak. Pero matigas ang kanyang pasya, hindi siya uuwi sa probinsiya.
Sa isang babaing abortionist siya nagtungo. Nalaman niya ang abortionist dahil sa isang kaklase. Nagpalaglag ang kanyang kaklase. Sa isang masikip na eskinita iyon sa Sta. Cruz. Nailaglag ang kanyang dinadala.
Akala ni Cherry tapos na ang problema pero hindi pala. Natuklasan ng kanyang mga magulang ang pagbubuntis dahil na rin sa baklang Tiyo Ramon. Pero hindi nakayanan ng ama niya ang sinabi niyang ipinalaglag ang dinadala kaya inatake ito sa puso. Patay na nang idating sa ospital.
‘Yung kanyang pinsan na nakabuntis sa kanya, hindi na nagpakita sa kanilang probinsiya. Hanggang ngayon daw hindi niya alam kung ano nang nangyari sa pinsan.
Humingi raw siya ng tawad sa kanyang ina. Nangako na hindi na uulitin ang ginawa. Pinatawad daw naman siya ng kanyang ina. Matakot na raw sana siya sa Diyos.
Tinupad daw niya ang pangako sa ina. Kaya eto raw at nag-aaral muli siya. Nagsisikap na buuing muli ang nasira niyang kahapon.
“Ayaw ko nang maulit ang nangyaring iyon. Ako rin ang dapat sisihin. Kaya ngayon inaayos ko na ang sarili ko.”
Nagkukuwento pa si Cherry nang pumasok ang may-ari ng boarding hosue na si Mely. Walang kaabug-abog.
“O baka kung ano naman ang pinagkukuwentuhan n’yong dalawa. Baka naman may itinuturo kang kakabia kay Maritess, Cherry?”
Tumaas ang kilay ni Cherry.
(Itutuloy)