SA pagtatalik lamang kami magkasundo ni Rica. Maganda nga sana magtalik na lang para wala nang away at gulo. Kinabukasan, kung gaano kasarap at katamis ang pagtatalik, kabaliktaran naman ang mangyayari dahil balik bangay. Kaunting bagay ay pinagtatalunan. Nang maungkat ko ang pag-uwi niya kagabi nang pasado alas diyes dahil sa pakikipag-tong-its sa kapitbahay ay lalong nagwala.
“Gusto mong maburyong ako rito? Naglilibang lang naman ako!”
“O e bakit ka tumigil sa pagtatrabaho ayaw mo palang maburyong.”
“Hayop ka, akala mo kung sino kang magsalita diyan.”
Hindi ako sumagot pero nagpatuloy siya. Masakit sa taynga ang sinabi pati ang kapatid kong si Abby ay dinamay.
“Siguro sinusulsulan ka ng kapatid mong mataray at pakialamera na awayin ako ano. Siguro kung anu-ano na naman ang ipinayo sa’yo.”
“Huwag mong idamay si Abby at walang pakialam sa atin ‘yon.”
“Walang pakialam? Pakialamera nga ‘yon. Alam ko naman hindi ako ang gusto niya para sa’yo kaya huwag mo na siyang pagtakpan.”
Hindi na ako sumagot pa para matapos na ang pakikipagtalo. Ayaw ko nang makipagsigawan. Kakahiya sa kapitbahay.
Nang ayaw tumigil sa katatalak, ipinasya kong umalis. Nagtungo ako kina Jim. Ilang beses na rin akong nakarating kina Jim sa Bacood, Sta. Mesa. Tinawagan ko muna si Jim kung nasa bahay. Sabado kasi noon at wala kaming pasok.
Tamang-tama nasa bahay siya. Magpapalamig na raw siya ng beer. Magpapaluto na rin daw siya ng pulutan. Sabi ko ako nang bahala sa pulutan.
Nang dumating ako sa kanila, nakahanda na ang inumin. Ilang putahe ang binili ko. Hindi lang pangpulutan kundi pang-ulam na rin.
Sinimulan namin ang inuman. Sunud-sunod ang tagay ko ng beer.
“Mukhang may gusto kang lunurin, Pre?” tanong ni Jim sabay tapik sa balikat ko.
“Medyo. Si Rica ang problema ko.”
“E di hiwalayan mo na. Hindi naman kayo kasal di ba?” “Paano ang anak namin?”
“Sustentuhan mo na lang.”
Tumungga pa ako. Isa pang tungga. Ubos ang laman. Hindi ko yata kayang basta iwan si Rica.
(Itutuloy)