“AGAHAN mo ang punta rito para matulungan mo ako sa pagluluto, puwede Rico?” pahabol ni Luningning nang palabas na ako ng pinto.
“Sige.”
Umalis na ako.
Habang nasa sasakyan, nagbago ang isip ko na pumunta sa birthday ni Luningning. Hindi ako sanay na makihalubilo sa iba pang mga Pinoy. Magdadahilan na lamang ako kay Luningning kung bakit hindi nakarating. Idadahilan kong sumakit ang aking tiyan. Hindi ako makabangon.
At saka ano ba ang papel ko sa birthday niya? Baka marami siyang bisita e ma-out of place lang ako. Iyon pa naman ang ayaw ko. Kaya pinal na ang pasya ko na huwag magpunta sa Biyernes.
Pero nagkamali ako dahil nang tumawag sa akin si Gina kinabukasan, nabanggit ko na inaanyayahan ako sa birthday ni Luningning.
“Pumunta ka, Rico. Para naman may makilala kang ibang tao.”
“Ayaw ko nga sana, Gina.”
“Bakit?”
“E gusto ko sanang magtulog na lang sa kuwarto ko. Wala akong hilig sa mga party.”
“Akala mo naman e malaking party ang dadaluhan. Ano lang ‘yun meryenda lang. Mahilig magluto ng mga kakanin yang si Luningning at siguro magpapansit.”
“Bahala na.”
“Magagalit sa iyo ‘yon. Nagsabi ka na yata na pupunta e.”
“Oo.”
“Magagalit yun.”
“Parang nabigla ako nang umuo sa kanya.”
“Pagbigyan mo na at 41 anyos na iyon. Baka hindi ka na makapunta sa kanya kapag hindi ka nagpunta.”
Hindi ako makapagdesisyon. Sana hindi ko na lang sinabi kay Gina na iniimbita ako.
“Tuwing birthday niya gusto e maghahanda. Masarap magluto yon ng pansit at biko. Baka gumawa pa yun ng buko pandan… punta ka na.”
“Bahala na.”
“Ay naku bahala ka. Magagalit yun. Hindi ka kikibuin nun.”
Natapos ang pag-uusap namin ni Gina na walang katiyakan kung pupunta ako sa birthday ni Gina.
Nang dumating ang Biyernes ay buo na ang desisyon kong huwag pumunta. Tanghali akong gumising. Kumain muna ako saka naglaba. Pagkatapos maglaba ay naglinis ng kuwarto. Natulog uli ako. Nagising ako ng alas tres. Kumain.
Nang mag-alas singko ay nakonsensiya ako sa sinabi ni Gina. Baka nga magalit si Luningning.
Nang mag-alas siyete ay ipinasya kong pumunta kay Luningning. Sisilip lang ako at saka kakain at uuwi na. At least, nagpunta ako kahit late.
Pagdating ko roon, nagulat ako dahil wala nang bisita si Luningning.
(Itutuloy)