Ninong (ika-66 na labas)
NAKAUTANG ako ng pera pero kailangang maibalik ko iyon pagdating ng suweldo. Hindi na raw kasi nagpapautang ang kasamahan kong si Magi dahil nakarma na raw siya. Masama raw ang “five-six”. Ipinahiram na lamang sa akin ang pera niya pero huwag ko raw kalimutang ibalik dahil ipadadala raw ito sa pamilya.
“Sige Magi. Ibabalik ko sa suweldo. Kailangang-kailangan ko lang.”
Nang araw ding iyon ay ipinadala ko sa banko sa Batha ang pera. Hindi maaaring hindi ako magpadala dahil baka mabuking ako ni Delia. Mabuti nga at hindi ako nabuko nang masabi ko ang pangalang “Diana”. Ma husay lang akong lumansi. Para hindi maghinala, kailangang ipadala ang hinihingi — sukdulang umutang. Bahala nang mamroblema sa pagbabayad.
Nailibing na raw si Jigo, sabi ni Diana nang tumawag ako ng Ling-go ng tanghali. Napansin ko sa boses niya na malungkot.
“O ba’t malungkot ka?” tanong ko.
“Nag-iisa na kasi ako ngayon dito. Malungkot at wala akong makausap.”
“O di ba kausap mo ako?”
“Ibig kong sabihin yung pirmihan kong makakasama.”
“Gusto mo umuwi na ako at magsama na tayo?”
“Gusto ko sana pero hindi pa puwede. Di ba usapan natin e isang taon — pagkababang-luksa.”
“E kung wala ka namang makausap diyan e di kawawa ka naman.”
“Makakapagtiis pa naman ako. Basta lagi mo lang akong tawa-gan at padalhan ng pera…”
“Oo. Ganun nga ang gagawin ko.”
“Malaki ang nagastos sa pagpapalibing. Mabuti me pera si Jigo na naiwan. Iyon ang ginamit ko. Problema ko ngayon ay ang sarili ko. Parang ayaw ko nang magtrabaho.”
“E di magresign ka na.”
“Kaya mo akong sustentuhan?”
“Oo naman. Malaki ang suweldo ko di ba?”
“Padalhan mo kaya ako Ninong nang malaki-laki para maibanko ko. Maganda ang may savings para pagdating mo, marami tayong ipon…”
Nag-isip ako. Oo nga. Kung may ipon marami kaming madudukot.
“Ano Ninong, padalhan mo ako?”
Hindi na ako nag-isip pa. Bahala na.
“Oo. Padadalhan kita, Diana.”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending