Ellang (143)
NARINIG ko ang paglabas ni Nanay Encar para tingnan kung sino ang dumating. Nakaabang sa may pintuan ang pamangking drayber na nakakita sa tao.
“Nasaan baga yung taong sinasabi mo?” tanong ni Nanay Encar sa pamangkin.
“Nandoon po sa may gate Tiya.”
Tinungo ni Nanay Encar ang gate. Nakabuntot naman ang pamangkin.
Ako naman ng mga sandaling iyon ay hindi mapalagay. Tumayo ako at naupo sa gilid ng
Narating na ni Nanay Encar ang gate at lumabas naman sa pinagkukublihang puno ang dumating na tao. Lalaki pala at may kasamang batang babae.
“Magandang tanghali po,” sabi ng lalaki.
“Magandang tanghali naman. Sino po ang iyong kailangan?”
“Ako po si Rodolfo at may nakapagsabi po sa akin na narito raw po si Ellang…”
“Rodolfo? Ikaw ba ‘yung Dolfo?”
“Ako nga po. Yung pong nobyo ni Ellang.”
“Ikaw nga ba?” Gustong makatiyak ni Nanay Encar. Maski sa probinsiya ay marami na ring manloloko.
“Sino ang nakapagsabi sa’yo na narito si Ellang?”
“Tumawag po ako sa isang kasamahan ko sa Saudi at nasabi po ng kaibigan ni Ellang na narito nga raw sa Bgy. Pambisan. Kaya nagtungo po ako rito. Nagtanung-tanong po ako kung paano makikita ang bahay n’yo.”
Sapat na iyon para maniwala si Nanay Encar na ang kaharap niyang lalaki ay walang iba kundi si Dolfo na nobyo ko.
“Ay siya halika pasok kayo! Pasok dito sa loob at mainit. Kawawa naman ang batang kasama mo ay nakabilad sa arawan.”
Pumasok si Dolfo at ang batang babae. Maganda ang batang babae. Ang pamangkin ni Nanay Encar ay nakabantay naman sa may gate.
“Ellang! Ellang!”
Narinig ko ang malakas na tawag ni Nanay Encar.
“Halika Ellang at mayroon kang bisita.”
“Sandali lang po, Nanay Encar,” sagot ko naman. Nagising si Inay dahil sa pagsagot ko sa tawag ni Nanay Encar.
“Sino raw ang bisita mo. Ellang?”
“Hindi ko alam Inay.”
Tumindig ako at humakbang palabas sa kuwarto. Bumangon si Inay at sumunod sa akin.
“Ellang! Ellang! Halika rito sa salas.”
Bumaba ako sa hagdan. Nasa kalagitnaan pa lamang ako ng hagdan ay nakita ko na agad si Dolfo habang nakaupo sa sopa. Katabi niya ang batang babae.
Nakita na rin naman agad ako ni Dolfo habang bumababa sa hagdan. At nagulat ako nang bigla niya akong salubungin at yakapin nang mahigpit.
“Ellang! Ellang!”
Wala naman akong masabi sa pagkabigla. Sino ba ang mag-aakala na darating pa siya? Ang totoo’y talagang inalis ko na siya sa isipan ko. Wala nang pag-asang magkikita pa kami. Pero ngayon at eto at yakap niya ako nang mahigpit. “Mahal na mahal kita, Ellang. Mahal na mahal!”
Umiyak ako. Hagulgol talaga. Bumaha ang luha ko. Umagos nang umagos.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending