Ellang (60)

(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)

“WALANG-WALA na talaga akong pera, Pol. Naibigay ko na lahat sa’yo…” sabi ko sa mababang tinig. Ayaw ko rin namang masaktan si Pol.

“Kahit 500 riyals?”

“Kahit 100 riyals ay wala talaga ako.”

Naging malungkot ang ekspresyon ng mukha ni Pol. Bu­magsak na parang bigung-bigo.

“Sige di bale na,” sabi nito sa mahinang tinig.

“Sori, Pol ha, ta­laga lang walang-wala ako. Di ba alam mo naman kapag meron ako bigay agad sa’yo.”

“Okey lang Ellang. Nahihiya nga ako sa  iyo eh.”

“Sori Pol ha?”

Nagpaalam si Pol pero matamlay.

“Pupunta ka ba uli rito bukas Pol?”

“Tatawagan kita. Baka bukas kasi e maghanap ako ng ma­dedelehensiyahan. Kailangan ko lang tala­ga ng khamse mea riyals.”

Marahan ang mga hakbang na umalis si Pol. Maski nang buk-san ko ang gate para lumabas siya ay hindi na lumingon sa akin. Problemado nga siguro sa pera.

Kinabukasan ng tanghali ay inabangan ko ang tawag ni Pol. Wala. Aburido na ako. Kinabukasan ay wala rin. Talaga yatang tini­tikis ako.

Naisip ko na baka naman abala sa pag­hahanap ng mauu­tangan ng pera. Gusto kong tawagan sa tele­pono pero baka naman ang makasagot sa akin ay ang amo o kaya ay ang mga kaaway kong Indonesian.

Aburido na talaga ako. Baka dahil lamang sa khamse mea riyals ay mawala sa akin si Pol. Ano ba itong na­gawa ko at bakit hindi ko binigyan ng pag-asa si Pol. Sana ay hindi    ko sinupla nang nang­hihiram ng khamse mea. Nabigo kaagad siya. Gusto kong pa­galitan ang sarili ko.

At nakaisip ako ng paraan para magka­roon ng khamse mea riyals. Uutang uli ako kay Sir. Tutal naman at nakapagsinungaling   na ako sa kanya, e di dagdagan ko na. Siguro naman ay hindi uli niya ako bibiguin.

Kailanganag maide­le­hensiya ko si Pol   para hindi magtam-po sa akin. Dama ko na may tampo siya kaya hindi nagpa­pakita.

Nang makakita ako ng tiyempo ng araw ding iyon ay kinausap ko si Sir. Nilakasan ko ang aking loob at kina­palan ang mukha.

(Itutuloy)

Show comments