Ellang (ika-44 na labas)
(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)
NAANGKIN na ako ni Pol at wala nang maipagmamalaki pa sa kanya. Hindi naman ako nagsisisi dahil mahal ko rin naman siya. Kahit na nga ba hindi ko pa kabisado ang background ng buhay niya ay ipinagkaloob ko na ang katawan ko. Bahala na.
Hindi naman siguro ako lolokohin ni Pol. Naniniwala rin ako na wala siyang asawa. Ang ipinagtataka ko lamang, hindi yata totoo ang sinasabi niyang “silahis” siya. Kasi’y napakatinding magmahal. At parang ekspertung-eksperto na. Baka naman talagang may lalaking magaling magtago ng pagkatao. At siguro kaya ganoon si Pol ay dahil na rin sa matinding panggigigil sa akin. Isang beses nga namang nabitin ang aming pagtatalik. Tiniyak niya kanina na matutuloy ang aming pagmamahalan at nangyari nga.
Hindi ko maipaliwanag ang nadamang kaligayahan ng araw na iyon. At iisa ang dahilan kung bakit ganoon ang nadarama ko — dahil sa ipinalasap sa akin ni Pol. Kailan kaya mauulit ang ginawa namin? Sabi niya ay tatawag siya sa akin. Nakalimutan ko namang kunin ang number ng phone niya. Nagmamadali kasi kanina.
Alas-tres na nang dumating ang aking mga amo. Medyo nakasimangot si Madam nang dumating. Hirap na hirap nga sa pagbubuntis. Walang imikan ang dalawa nang dumating.
Nagkulong ang mag-asawa sa kuwarto nila. Ang anak na si Abdulatif ay kinuha ni Sir makalipas ang limang minuto. Dinala rin ang anak sa kuwarto.
Ako naman ay nagdilig ng halaman sa bakuran. Dalawang araw ko nang hindi nadidilig ang mga halaman dahil maraming tambak na labahin.
Nang tingnan ko ang mga halaman ay nanunuyo na ang ilan. Kabilang sa nanunuyo ay ang mga namumulaklak naming rosas. Ang mga rosas daw na iyon ay galing pang Egypt. Malalaki ang talulot ng rosas at napakabango.
Napagmasdan ko naman ang Eucalyptus tree. Malaki na ang katawan ng puno. Ang mga sanga ng Eucalyptus ay paboritong pagpugaran ng mga tarat.
Kanina, naalala ko ay dito na lamang gustong idaos namin ni Pol ang “ritwal”. Ang balak siguro ay pasandalin na lamang ako sa punong Eucalyptus. May pagkapilyo rin ang “silahis” na si Pol. Siguro’y may phobia na siyang pumasok sa bahay kaya dito na lamang sa bakuran gustong idaos ang “init” ng katawan.
Dumako ako sa may gate at sumilip sa siwang. Nakita ko ang dalawang Indonesian maid na nasa harap ng gate. Bukas ang gate pero wala akong masilip na sasakyan sa loob. Baka umalis si Pol. Sinundo marahil ang amo.
Nag-uusap ang dalawang maid. Saka ay susulyap sa direksiyon ng aming gate. Hindi naman nila ako nakikita dahil maliit lang ang siwang sa gate.
Sa pakiwari ko, ako ang pinag-uusapan ng dalawang Indonesian.
Hanggang sa makita ko na lumapit ang isang Indonesian sa aming gate. Ang Indonesian na lumapit ay ang tinakasan ko habang bumibili ng kabsa sa isang suk ilang araw na ang nakalilipas.
Ano kaya ang balak ng Indonesian at patungo sa direksiyon namin? Kinabahan ako at hindi malaman kung aalis sa may gate. Parang nanigas ang mga paa ko.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending