Sadik (ika-5 na labas)

(Kasaysayan ni Tony Z. ng Riyadh)

"MUSKILA, Antonio?"

Tanong sa akin ni Negro nang makalabas kami sa malaking parking na iyon. Pakiramdam ko nang lumabas kami sa parking ay galing ako sa isang malalim na hukay.

Hindi ko alam ang kahulugan ng tanong ni Negro kaya nanatili akong nakatingin sa kanya. Na parang naunawaan naman ni Negro kaya tinanong ako sa English. Halatang hirap din siya sa English pero naiintindihan ko naman. Parehas lamang kaming carabao English ang alam.

"Problem, you have problem?"

"Nothing. No problem!"

Saka tumawa.

"Mafi muskila."

"What mafi muskila?"

"No problem!"

At saka nagtawa nang nagtawa si Negro.

Mabilis ang pagpapatakbo niya pero maingat. Napakaluwang ng kalsada ng Riyadh. Nakita ko sa magkabilang gilid ng kalsada ay pulang lupa. Disyerto. Tama ang sabi sa akin ng isang nakakuwentuhan ko sa eroplano na malaking bahagi ng Riyadh ay disyerto pa rin.

"How old Antonio?"

"Twenty seven."

Tumangu-tango si Negro.

"Married?"

"Yes!"

Tumangu-tango uli.

Saka ay napagmasdan ko nang palihim ang suot niyang puting sutana. May bahid ng putik ang dakong bulsa. Marusing ang suot ng negrong ito. Ang hindi ko alam kung siya na nga ba ang aking magiging bossing o isa lamang siya sa drayber. Kasi’y wala sa itsura ng Negrong ito na maging bossing. At nagtataka ako sapagkat meron din palang Negro sa Saudi Arabia.

Naisip ko rin, kung ito ang bossing dapat ay ako nasa manibela at hindi siya.

May kalahating oras ang aming biniyahe bago nakarating sa isang malaking bahay na napapaligiran nang maraming puno na halintulad sa niyog.

Muli akong sinalakay ng kaba. Katulad ng kabang nadama ko kanina sa airport. Baka ang magiging amo ko ay mabagsik.

(Itutuloy)

Show comments