NASA mga mata ni Mang Frank ang pagtataka. At palagay ko, nagkakaroon na siya ng hinala na ako at ang hinahanap niyang anak kay Gracia ay iisa.
Nang nasa loob na kami ng makipot na kuwarto ay nakita namin si Inay na nakahiga sa katreng bakal. Tila hindi kumukurap si Mang Frank at nagpapaanod na lamang. Sunud-sunuran sa mga nangyayari.
"Inay! Inay! May kasama ako."
Kumilos si Inay. Para bang naalimpungatan sa pagtapik ko sa likod niya.
"May kasama po ako Inay."
Hinawakan ko ang kanyang palad. Bahagyang mainit iyon. May sinat nga. Dala marahil ng impeksiyon sa ihi dulot ng diabetes.
"Sinong kasama mo Che?"
"Ang ama ko, Inay "
At pagkasabi niyon ay bigla akong humagulgol ng iyak. Ang pinipigil kong pag-iyak kanina ay tuluyan nang kumawala. Pinalaya ko na ang aking damdamin sa harap ni Inay at ng aking ama na matagal kaming pinabayaan.
"Frank?"
"Ako nga Gracia," sagot ng aking ama na tila may garalgal sa boses.
"Paano mo nakilala si Che, Frank?"
Ako ang nagpaliwanag ng lahat. Nang masabi ko iyon ay napaiyak ang aking ama. Humingi siya ng tawad kay Inay. At pagkatapos ay sa akin.
Umiyak siya sa harap ko. Sa laki marahil nang pagkukulang na nagawa.
(Itutuloy)