"SAAN tayo pupunta, iha?" tanong ni Mang Frank nang nasa kotse na kami.
"Sa Constancia St. po sa Sampaloc."
"Sa Constancia raw tayo Mang Ambo. Alam mo ba iyon?" tanong ni Mang Frank sa matandang drayber. Tumango lamang ang matanda at mabilis pero maingat na pinatakbo ni Mang Ambo ang kotse. Ako ay walang kakilus-kilos sa pagkakaupo. Iniisip ko ang mga mangyayari sa pagdating namin sa bahay. Maaaring magalit si Inay sa pagsasama ko kay Mang Frank pero wala akong magagawa. Nakikiusap ang taong ito na akin palang ama na makita ang taong kanyang inapi. Nagbago na ang taong umapi sa kanya at wala namang masama kung isama ko. Siguro ay sadyang nagtagpo kami ng taong ito para makapagbayad siya ng utang.
"Kilalang-kilala mo si Gracia, iha?"
"Opo."
"Paano mo siya nakilala?"
"Mahabang kuwento po pero ang masasabi ko lamang alam na alam ko ang kuwento ng buhay niya."
"Kayo siguro ang magkaibigan sa club?"
Tumango lamang ako.
"Malayo pa ba rito ang Constancia St.?"
"Malapit na po," sagot ko.
"Tatawid lamang tayo sa riles ng tren at Constancia na."
Napatangu-tango si Mang Frank.
Mga labinlimang minuto pa ang tinakbo namin at nakarating na kami sa Constancia St.
"Saan ang kina Gracia?"
"Doon pa. Doon pa sa dulo."
Doon dinala ni Mang Ambo ang kotse. Tumigil kami sa tapat ng isang lumang apartment.
"Diyan siya nakatira."
Bumaba kami sa kotse. Sumunod sa akin si Mang Frank. Wala na akong nararamdamang kaba.
Dinaanan namin ang mga pinto ng pinauupahang kuwarto. Ang may-ari ng apartment na iyon ay nasa ibang bansa na.
"Doon sa dulo ang kina Gracia."
Tinungo namin ang dulong pinto. Nang makarating doon ay kumatok ako.
Si Donna ang nagbukas.
"Bakit ngayon ka lang Ate?"
Hindi ako sumagot. Pinapasok ko si Mang Frank at pinaupo.
"Si Inay?"
"Nasa kuwarto. Nakahiga. Mataas na naman ang lagnat. Sino siya Ate?"
Nakatingin sa amin si Mang Frank na para bang nagtataka sa aming usapan.
"Halika sa loob Mang Frank "
Pinuntahan namin sa kuwarto si Inay.
Itutuloy