Salamat, hinango mo ako sa putikan! (Ika-94 na labas)

(Batay sa kasaysayan ng isang nagpapatago sa pangalang Che)

"SIGURO mga 20 years old na ang anak ko kay Gracia. Maganda siya. Noong huli ko siyang makita ay tatlong taong gulang...."

Hindi ko ipinahalata kay Mang Frank na umaagos ang luha ko sa pisngi. Gusto ko nang sabihin ang lahat sa kanya na ang hinahanap niyang anak ay nasa harapan lamang niya. Pero para pang may tumututol sa isipan ko. May nagbubulong na huwag.

"Umiiyak ka yata Che?"

"Hindi po."

"Malaki ang kasalanan ko kay Gracia at sa aming anak kaya narito ako para magbayad ng utang..." bahagyang tumigil si Mang Frank at tumingin sa nasa kabilang mesa at pagkatapos ay nagpatuloy sa pagsasalita.

"Ang hindi ko alam ay kung mapapatawad pa ako ni Gracia. Kasi habang nasa US ako, naisip ko ang malaking pagkukulang sa aking anak. Mahirap palang magparusa ang konsensiya..."

Malaki nga ang kasalanan mo, gusto kong sabihin. Kung hindi niya ako inabandona, baka hindi ako nasadlak sa "Black Roses" at hindi rin naman nagdanas ng hirap si Inay sa kamay ni Mr. Lee.

Nagpatuloy siya sa pagsasalita. "Kaya pinagsikapan kong magbalikbayan para hanapin si Gracia at ang aking anak. Alam ito ng asawa kong nasa US. Hindi ko inilihim na ang pagpunta ko rito sa Pilipinas ay para hanapin ang dalawang taong aking inapi. Maunawain naman ang aking asawa sa US. Sabi ko sa kanya, magbabayad lamang ako ng utang. Baka mamatay ako na hindi man lamang nakikita ang aking anak."

Nagbabanta na naman ang pagsungaw ng aking luha pero pinigil ko.

Sa mga sinabi ni Mang Frank, napatunayan kong seryoso siya at nagbago na. Hindi na siya ang taong nakilala ni Inay noon na isang iresponsible at balak pa akong patayin sa pamamagitan ng abortion.

"Alam mo ba kung nasaan si Gracia, Che?"

Tumango ako.

"Saan? Maaari mo ba akong samahan sa kanya?"

"Opo."

Desidido na ako sa gagawin. Hindi na ako natatakot at nag-aatubili. Panahon na para matapos ang problema.

"Puwede na ba natin siyang puntahan ngayon?"

"Opo."

Tumayo kami at lumabas ng restaurant at nagtungo sa nakaparadang kotse.

(Itutuloy)

Show comments