MAINIT ang kumustahan ni Inay at ni Ate Au. Ipinakiusap ko lamang kay Ate Au na huwag mababanggit kay Inay na sa Black Roses ako nagtatrabaho. Nangako naman si Ate Au. Huwag daw akong mag-alala.
Sabik na sabik si Inay sa muling pagkikita nila ni Ate Au. At gaya ng dati, nabang- git ni Inay na gusto pa niyang bumalik sa Black Roses para ituloy ang nahintong pagtatrabaho.
"Wala ka nang babalikan, Gracia," sabi ni Ate Au.
"Anong wala?"
"Sarado na ang Black Roses. Ni-raid na."
"Diyos ko. Paano pa ako makapagtatrabaho. Paano na kami?" sabi ni Inay na tila ba masyadong dinibdib ang sinabi ni Ate. Aywan ko naman kung bakit nasabi ni Ate Au na sarado na ang Black Roses.
"Kailan pa nagsara Au?"
"Kagabi lang."
Natahimik na si Inay.
Sinemplehan akong kinausap ni Ate Au.
"Iyon ang sinabi ko dahil iyon ang mangyayari, Che."
"Ipari-raid mo ang Black Roses?"
"Gaganti ako kay Mr. Lee, Che at para na rin maligtas ka roon."
"Paano at kailan, Ate Au?"
"Basta ngayong linggong ito. Maghanda ka na lang, Che."
"Baka mapasa- ma ako sa gagawing raid?"
"Hindi. Ang mga dinadampot sa raid ay ang nahuhuli sa akto. At payo ko sayo huwag na huwag kang papayag maghubad "
"Pangako Ate."
Nagpaalam na si Ate Au na hindi ko naitanong kung saan nakatira.
(Itutuloy)