KAHIT na pala gaano kalaki ang pagtitimpi, dumarating sa punto na kailangan na ring lumaban. Hindi ko na naisip ang kalagayan ni Fil at sumambulat ang galit ko. Parang bulkan na noon lamang nagbuga ng apoy.
Nang sampalin ko si Jen ay nakaganti. Pero mas maliksi ako at nahawakan siya sa buhok. Nasubunutan ko. Ubos-lakas. Ubos higpit.
"Wala akong ginagawang masama, putang-ina ka!" sabi ko na hindi binibitiwan ang buhok ni Jen.
Nagpipiglas siya. Malakas din pero hindi siya umubra sa tulad kong batak sa hirap.
Nabuwal kami sa semento. Lumikha ng ingay. Nakubabawan ko siya. Lalo ko pang idiniin ang pagsabunot.
"Putang-ina ka!" wala na yata ako sa katinuan dahil sa galit. Sinampal ko pa si Jen. Malakas.
Pagkaraan ay mabilis akong tumayo. Humihingal. Hinintay ko kung tatayo at gaganti pa. Hindi. Nanatili sa pagkakahiga sa semento.
Iniwan ko at pumasok na sa unit. Ikinandado ko ang pinto. Kung kakatok siya, hindi ko bubuksan. Bahala na kung ano ang mangyari.
Naalala ko ang gamot na binili. Kinapa ko sa aking bulsa. Naroon pa. Hindi nahulog kahit nagpambuno na kami ni Jen.
Naalala kong kailangang uminom ng gamot si Fil. Sumugod ako sa kuwarto niya. (Itutuloy)