"May sandstorm kasi noon at madulas ang daan dahil sa ambon. Mula noon natakot na akong magmaneho," sabi ni Joey.
"Dahan-dahan lang ang takbo natin," sabi ko nang patungo na kami sa Naseem.
"Ang aksidente ay biglang dumarating at magugulat ka na lang "
"Kaya nga aksidente nga e biglaan," sagot ko naman.
Dumating kami sa compound ng pasado alas-nuwebe ng gabi. Iilan pa lamang ang bisita ng mag-asawang pinsan ni Joey. Malaki ang inuupahang bahay ng mag-asawa. May tatlong malalaking kuwarto, may sala, banyo at may laundry room. Wala pang anak ang mag-asawa gayong tatlong taon nang nagsasama.
Nang mag-alas diyes ay unti-unti nang nagdatingan ang mga nurse na kasamahan daw sa ospital ng mag-asawa. Iilan ang lalaking nakita ko.
"Baka may matipuhan ka Eric," bulong sa akin ni Joey.
"Wala pa akong makita Joey," sumimsim ako ng juice sa baso.
"Yun, type mo?" tanong ni Joey at inginuso ang isang babaing matangkad na fit ang suot na maong at puting t-shirt. Maputi at hanggang balikat ang buhok. Sexy.
"Ayaw."
"Kailangan siguro sa iyo lasingin para makakita ng babae," sabi ni Joey at nagtawa.
May mga nagdatingan pang mga nurse. Sa bilang ko ay mahigit na kaming 30 sa loob. Maingay na. Ang iba ay may mga dalang pagkain. Ipinakilala na kami ng pinsan ni Joey sa mga nurse at iba pang naroon.
"Si Eric ay binatang-binata pa. Matalino, isang engineer at maganda ang trabaho," sabing nakangiti ng pinsan ni Joey. Nahihiya naman ako sa mga sinabi.
Pero natapos ang party na iyon na wala akong nakitang kamukha man lamang ni Jamie. Walang katulad si Jamie. Talagang wala.
(Itutuloy)