Laro sa putikan (109)

WALA na sa direksiyon ang mga sinasabi ni Ate Cora. Kung anu-ano na ang mga lumalabas sa kanyang bibig na halata namang nagsisinungaling na. Pinipilit niyang iligtas ang sarili. Hindi raw siya ang may kasalanan kundi si Kuya Jeff. Ito raw ang may babae sa Saudi at kaya ginawa ang pananakit sa kanya ay para magkaroon ng dahilan ang paghihiwalay. Napailing-iling na lamang ako.

Pinilit kong tapusin na ang pakikipag-usap sa kanya.

"Tulungan mo ako Jean. Wala na akong mahihingan ng tulong. Wala akong pera."

At ano ang isasagot ko. Sa kabila ng lahat, kapatid ko pa rin siya.

"Sige padadalhan kita ng pera," sabi ko.

"Salamat Jean. Hahanapin ko ang mga anak ko at babawiin ko. Hindi ako titigil hangga’t hindi sila nakukuha."

"Gawin mo kung ano ang gusto mo."

Hindi naman tumutol si Kuya Jeff nang padalhan ko ng pera si Ate Cora pero may ipinaaalala siya sa akin.

"Baka ang ipadadala mo ay ibibigay lamang niya sa lalaki niya. Ikaw naman ang kawawa. Nagpapakahirap ka rito para ipalamon sa lalaki niya. "

Oo nga. Bakit nga ba hindi ko naisip iyon?

"Hindi na masusundan ito Kuya Jeff. Bahala na siya sa buhay niya. Ngayon ko lang siya tutulungan at tama na ito. Hindi na ito mauulit."

(Itutuloy)

Show comments