Minura ko pa nang minura ang bastos na Saudi.
"Maza torid?" (Anong gusto mo?")
"Maza taqulin?" tanong din sa akin.
Tumigil na raw ako. Sabi ko siya ang tumigil. Pampubliko ang lugar kaya hindi niya kami dapat paalisin.
Patuloy pa rin sa pagsasalita ang Saudi. Ako naman ay hindi natatakot lalo pa nga at alam kong marami na rin namang Pinoy sa waiting lounge na iyon ng King Khalid International Airport.
Sinabi ko sa Saudi na isusumbong ko siya sa motawa dahil pumapatol siya sa babae. Pero iyon ay panakot ko lamang. Nakita kong nataranta ang Saudi nang marinig ang salitang motawa. Para bang naghatid ng takot ang salitang motawa.
Hanggang sa makita kong umalis sa kinauupuan. Lumayo at nagtungo sa bahaging walang gaanong tao.
Naisip ko matindi pala ang takot ng mga Saudi sa motawa.
Kinakitaan ko ng takot si Kuya Jeff dahil sa pakikipag-away ko sa Saudi. Hindi niya akalain na ganoon ako katapang kapag may nang-aaping Saudi.
"Baka balikan ka nun dito?" tanong ni Kuya Jeff.
"Hindi. Takot na yan."
"Ang husay mo palang magsalita ng Arabic."
"Arabic carabao nga yun e."
"Ako kaya, madaling makatuto niyan?"
"Oo naman."
Hanggang sa makarinig kami ng tawag sa likuran. Nang lingunin namin ay tatlong lalaki. Kay Kuya Jeff nakatuon ang tingin ng mga ito.
(Itutuloy)