JAMIAS 'Trabaho lang po' (86)

BAGO ang ginawang pagdalaw ni President Gloria Macapagal-Arroyo sa WPD-Station 2 na pinamumunuan ni Col. Elmer Jamias, dinalaw na rin ng Presidente ang isang police station sa Pasay. Isang malaking kuwento ang nangyari sapagkat nasorpresa ni Presidente Arroyo ang nakatalagang hepe ng police station doon.

Umagang-umaga nang magtungo roon ang Presidente at sarado pa ang pinto ng station. Kumatok ang Presidente. Walang sagot mula sa loob. Kinatok muli. Wala talaga. Ang mga Presidential Guard na ang nagpuwersang buksan ang pinto. Saka lamang nalaman na naroon pala ang hepe at kaya hindi makasagot o mabuksan agad ang pinto ay sapagkat abala sa pagbibihis. Dahil sa pagmamadali sa pagbibihis ay hindi pa naging maayos ang pagsusuot ng uniporme.

Mayroon din namang police station na wala ang station commander at ang inabutan lamang doon ng Presidente ay ang tauhan nito. Nagbilin na kung may mahalagang bagay ay tawagan na lamang siya sa telepono. At si President Arroyo ang tumawag sa kanya. Nagmamadaling dumating ang station commander at nakita niyang ang nakaupo na sa kanyang mesa ay ang presidente. Inilipat din ng araw na iyon sa ibang unit ang commander.

Makalipas nga ang ilang araw, sa Station 2 na pinamunuan ni Jamias siya dumalaw. Naratnan niya roon si Jamias at abalang nagtatrabaho. Ilang minuto rin ang itinagal ng Presidente sa opisina ni Jamias. Nang makaalis ang Presidente ay balik sa kanyang pagtatrabaho si Jamias.

Makulay din ang mga nangyari kay Jamias habang nasa Station 2. Katulad ng mga ginawa niya sa mga station na kan-yang hinawakan, ganoon din ang pinatupad niya. Mahigpit na nilabanan ang mga drug pusher, holdaper at mandurukot sa Divisoria at iba pang sakop na lugar.

(Itutuloy)

Show comments